Angeline Colonia wagi ng ginto sa Asian Junior Weightlifting

Patuloy ang pag-abot sa mas matataas na pangarap ni Zamboangueña weightlifting standout Angeline Colonia,matapos magwagi ng gintong medalya sa snatch event ng Asian Youth and Junior Weightlifting Championships na ginanap noong Hulyo 4 hanggang 10 sa Astana, Kazakhstan.
Lumaban si Colonia sa Junior Women’s 48kg division, kung saan binuhat niya ang 77 kilo sa snatch para masungkit ang ginto sa nasabing kategorya. Nagtapos din siya sa ika-apat na pwesto sa clean and jerk (88 kg) at kabuuang total (165 kg).
“Masayang-masaya po ako. Nagdasal lang ako na sana maganda ang maging performance ko. Hindi ko po inasahan na mananalo ako ng gold sa snatch,” ani Colonia sa isang panayam noong Miyerkules, Hulyo 30, habang bakas ang pasasalamat at pagkabigla sa kanyang boses.
Ang panalo sa Kazakhstan ay kasunod lamang ng kanyang mahusay na pagganap sa World Youth and Junior Championships sa Lima, Peru noong Mayo, kung saan nasungkit niya ang silver sa snatch at bronze sa total sa ilalim ng Junior 45kg division.
Isa si Colonia sa mga batang atletang Zamboangueño na ginawaran ng pagkilala ni Mayor Khymer Olaso sa isinagawang flag-raising ceremony noong Lunes, Hulyo 28, sa Zamboanga City Hall.
Kasama ni Mayor Olaso sina Konsehal Bong Atilano at Dr. Cecil Atilano ng City Sports Office sa paggawad ng Certificate of Recognition sa mga atleta, na pinuri sa kanilang dedikasyon at tagumpay na nagbigay karangalan sa lungsod.
Kasama ring pinarangalan sina Albert Ian Delos Santos (1 ginto, Junior Men’s 71kg), Jhodie Peralta (3 silver sa Youth at 2 bronze sa Junior Women’s 53kg), Princess Ann Diaz (1 silver, 2 bronze sa Youth Women’s 44kg), at Alexsandra Ann Diaz (1 silver, 1 bronze sa Youth Women’s 48kg).
Pinarangalan din sina Joize Abbey Saavedra (2 pilak) at Art Nicholas (3 tanso), na kinatawan ng bansa sa 23rd ASEAN+ Age Group Chess Championship sa Penang, Malaysia. Kasama rin sa mga kinilala ang mga kalahok sa WDSF Vietnam Dancesport Festival—Brianna Braille Marcial, Queen Ellish Fernandez, Shannen Kylle Carpio, Bret Marcial, James Justin Angeles, Eidzreen Deen Ibañez, Angie Mar Ituralde, at Athea Aisel Conte—at si Emrish May Marie Ramos na lumahok sa Southeast Asia Judo Championships sa Maynila.
Ginawaran din ng certificates of recognition ang mga coach na nagtaguyod at gumabay sa mga atleta sa kanilang internasyonal na kampanya bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa paghubog ng mga talento sa palakasan ng Zamboanga.
Sa kanyang pinakabagong tagumpay, mas lalo pang pursigido at puno ng pag-asa si Colonia sa patuloy niyang pagrepresenta sa lungsod at sa bansa sa pandaigdigang entablado.
