16th Asian Lawn Bowls Championships, gaganapin sa bansa sa Abril

Nakatakdang isagawa sa bansa sa susunod na buwan ang 16th Asian Lawn Bowls Championships.
Isasagawa ang naturang kompetisyon sa Abril 27 hanggang Mayo 4 sa Clark Bowling Greens sa Clark, Pampanga, kung saan labindalawang bansa ang lalahok sa naturang torneo, kabilang ang Malaysia, Iran, Brunei, Japan, Hong Kong, Singapore, Thailand, Macau, South Korea at China.
Kumpiyansa ang head coach at tournament director na si Ronalyn Redima Greenlees na muling malalampasan ng bansa ang mga hamon at sisiskapin nilang madepensahan ang mga gintong medalya na kanilang nakamit sa men’s pair at women’s singles events, kung saan walong ginto sa singles, pairs, triples at fours (lalaki at babae) ang nakataya sa event.
Ayon kay Greenlees, mahigit dalawang dekada na ang lawn bowls sa bansa, m noong 2019 Manila SEA Games kung saan nanalo ang host ng isang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.
Sa kasamaang palad, ang isport na ipinanganak sa Great Britain ay hindi kasama sa kalendaryo ng Thailand SEA Games sa Disyembre.
Sinabi pa ni Greenlees na ang mga Pilipino ay nasa ranking No. 10 sa mundo at nagkaroon ng mga tagumpay sa antas ng Asia-Pacific.
“Kilala na kami sa mundo. Dito lang sa Pilipinas hindi. Full support sila,” ani Greenlees.
Para naman kay Rodel Labayo, back-to-back gold medalist sa pairs event kasama ang partner na si Elmer Abatayo, target nilang makuha ang ikatlong sunod na ginto sa kompetisyon na ito.
“Gusto namin dito sa Pilipinas mag-three-peat,” ani Labayo.
Samantala, susubukan naman ni Rosita Bradborn na ipagtanggol ang kanyang titulo sa women’s singles, kung saan nanalo siya ng ginto noong nakaraang taon sa Thailand pagkatapos ng ilang silver-medal finish sa mga nagdaang torneo.
“Nag-tiyaga kami ng husto sa training para manalo ulit,” ani Bradborn.
Ngayong idaraos ang torneo sa Pilipinas, umaasa ang pambansang koponan na mas maraming suporta ang kanilang matatanggap upang lalo pang mapaunlad ang isport sa bansa.
