WMPBL: PBA star Terrence Romeo hahawakan ang PSP Lady Gymers

Nagsisilbi na ngayong head coach ng isa sa mga Women’s Maharlika Pilipinas Basketball League (WMPBL) team si PBA Terrafirma star Terrence Romeo.
Pinangunahan ni Romeo ang kanyang kauna-unahang coaching stint sa koponan ng PSP Lady Gymers sa pagbubukas ng WMPBL nitong nakaraang Linggo, January 19 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Bago pa man magsimula ang WMPBL ay nauna nang sumalang sa isang tune-up match ang Lady Gymers kung saan nakaharap nila ang Discovery Perlas.
Ayon kay Romeo, umaasa ito na kakayanin ng kanilang koponan na makipagsabayan sa mga laban dahil nasa kondisyon ang kanilang mga manlalaro at handa silang lumaban.
“Importante na kaya naming mag-execute ng plays namin. Iyung condition nila pinaghusayan naman nila on their own. Iyung mga practices namin, may mga times na nag-hard practices kami. I hope na kondisyon sila and ready to play,” pahayag ni Romeo.
Matatandaang sa kanilang unang laban sa pagbubukas ng WMPBL nitong Linggo, nakaharap ng PSP ang Imus Sis-VBL Lady Magdalo sa second game at bigong makuha ang panalo, 70-73.
Bukod kay Romeo na head coach ng Lady Gymers, kabilang din sa coaching staff ng koponan ang team mate nitong si Vic Manuel, pati na si SMB guard CJ Perez, at NorthPort star Arvin Tolentino.
