UAAP: UE Red Warriors, naisalba ni Lingolingo
Naisalba ni Wello Lingolingo sa bingit ng pagkatalo ang UE Red Warriors nang makuha nito ang offensive rebound at naisalpak ang isang bank shot sa papaubos nang segundo kontra Adamson Soaring Falcons, 63-62, sa pagtatapos ng 87th UAAP Men’s Basketball first round eliminations nitong Linggo ng gabi sa SM Mall of Asia Arena.
“Yung nakita ko yung oras, hindi ako nag-dalawang isip. Luckily, pumasok yung shot,” ani Lingolingo.
Walang inaksayang panahon ang si Lingolingo, kung kaya nagtala ito ng 10 points at 5 rebounds. Dalawang beses lang lumamang ang Red Warriors una sa 53-52 advantage may 7:53 minuto pa sa fourth frame mula sa three-pointer ni Lingolingo, pangalawa ay ang game-winner.
“Sinasabi ni coach Jack (Santiago) na hindi dapat hinahanap ‘yung laro, hayaan mo ‘yung laro ‘yung pupunta sayo. ‘Yun lang yung ginagawa ko wala akong tinitake na forced shot. ‘Yung game-winning shot hindi ko talaga ini-expect, parang nandoon lang talaga ako tapos na-make ko lang salamat kay God,” sabi pa ni Lingolingo.
Pero si Precious Momowei ang aktuwal na namayagpag sa puntusan sa UE na may 14 panahog sa 11 rebounds at 3 steals habang tumulong si Devin Fikes 11 at 3.
Nagdagdag pa si Ethan Galang ng 10 markers 5 boards at si si Jack Cruz-Dumont ay may 8 and 5.
Una nang naghabol ang UE ng tatlong puntos sa 59-62 bago nito nakumpleto ang pagbangon para tapusin ang unang round na may 5-2 panalo-talong kartada at isalya ang mga basketbolista ng San Marcelino sa 3-4.
Samantala, nalasap naman ng ADU ang ikalawang sunod na kabiguan at nalaglag ito sa ikalimang pwesto.
The Scores:
UE 63 – Momowei 14, Fikes 11, Lingolingo 10, Galang 10, J. Cruz-Dumont 8, Mulingtapang 4, Maga 4, Abate 2, Wilson 0, Spandonis 0, H. Cruz-Dumont 0.
ADAMSON 62 – Montebon 12, Erolon 11, Mantua 9, Manzano 9, Yerro 7, Calisay 6, Fransman 5, Anabo 2, Ojarikre 1, Barasi 0, Ramos 0, Ignacio 0, Barcelona 0, Dignadice 0.
Quarters: 18-23, 34-39, 48-50, 63-62.