UAAP: Royce Alforque lalaban hanggang dulo para sa FEU

Rico Lucero
photo courtesy: Philippine Daily Inquirer

Ibubuhos na ni Royce Alforque ang kanyang buong lakas at makakaya hanggang sa dulo ng laban para sa pinakamamahal nitong alma mater at sa kanyang koponan sa FEU. 

Malaki ang utang na loob ni Alforque sa kanyang paaralan na halos isang dekada niyang naging tahanan mula ng siya ay Baby Tamaraw pa. Kaya naman nangako ito magiging loyal dahil ang FEU ang naging instrumento para mahubog ang kanyang talento para maging  mahusay sa basketball. 

Ayon kay Alforque, lalaban pa rin sila at pipilitin makaabot sa final four. 

“Ipapangako namin sa remaining games namin na talagang one game at a time lang kami. 'Yun, lalaban kami. Gusto namin talaga kung pwede makuha namin 'yung lahat ng panalo sa second round para makaabot pa kami sa Final Four.”

Ang FEU ang paaralang pinangarap ni Alforque na mapasukan mula pagkabata. Kaya naman ito na rin ang ikalima at huling taon niya bilang isang Tamaraw. 

“Actually, pangarap ko talaga 'yung FEU na school dati pa. Kaya ngayon, talagang pinili kong mag-stay kahit na nag-alisan sina Bryan [Sajonia] .”

“Talagang sila 'yung kumuha kasi sa akin since high schoolpa eh, so talagang bumabawi lang ako sa kung ano 'yung binigay nila sa akin na opportunity, and especially big school 'yung FEU.” 

Matatandaang si Alforque ay naging bahagi din ng UAAP Season 82 Final Four run ng FEU sa kanyang rookie year. Ngunit matapos ang isang taon, naapektuhan ng pandemya ang buong bansa kung saan nag-abang sila kung magkakaroon pa isa pang postseason charge sa Season 84.