UAAP: MVP nasungkit ni Quiambao sa ikalawang pagkakataon

Rico Lucero
photo courtesy: UAAP Media

Nakuha ni Kevin Quiambao ng De La Salle University ang kanyang ikalawang sunod na UAAP Most Valuable Player (MVP) award. 

Nanguna ang ‘power forward’ sa statistical points race, kung saan nakuha nito ang 81.357 statistical points (SPs) sa average na 16.6 points (isang league-best), 8.6 rebounds, 4.1 assists, at 1.0 steals kada laro.

Subalit higit sa tinamong stats, tinulungan din ng Gilas Player ang kanyang paaralan na masungkit din ang nangungunang pwesto, kung saan nakuha ng La Salle ang 12-2 win-loss record sa pagtatapos ng eliminations para at isa pang Final Four berth.

Kasunod ni Quiambao, kasama din sa Mythical Five ang isa pang stalwart ng DLSU na si Mike Phillips, na nag-average ng 12.0 points, 11.6 rebounds, at 2.4 assists kada laro at nagkamit ng kabuuang 74.929 SPs.

Samantala ang iba pang kabilang sa Mythical Five ay sina JD Cagulangan ng Unibersidad ng Pilipinas, na nagposte ng mga average na 11.8 puntos, 5.0 assists, at 5.0 rebounds bawat laro, at nakakolekta ng 69.167 SPs; Mohamed Konateh ng Far Eastern University, na may 16.7 puntos, 16.7 rebounds, at 1.0 block bawat paligsahan para sa 68.643 SPs; at Nic Cabanero ng Unibersidad ng Santo Tomas, na may 16.3 puntos, 5.4 rebounds, at 1.9 assists kada laban, na nakaipon ng 61.000 SPs.

Si Precious Momowei naman ng University of the East ay naglista naman ng 67.538 SPs kung saan nakabuo ito ng average na 14.4 puntos, 12.8 rebounds, at 1.2 assists, ngunit nadiskuwalipika dahil sa suspensyon na ipinataw sa kanya sa kalagitnaan ng season.

Samantala, tinanghal namang Rookie of the Year si Veejay Pre ng FEU. Nagwagi si Pre matapos magtala ng 50.857 SPs sa 7.1 points, 6.4 rebounds, at 1.4 assists kada ballgame.