TNT, kampeon na ng Season 49 PBA Governors’ Cup
Tinapos ng ng TNT Tropang Giga sa Game 6 ang kanilang pakikipagbakbakan kontra Barangay Ginebra nitong Biyernes ng gabi sa Araneta Coliseum, 95-85.
Hindi na binigyan ng TNT ng pagkakataon ang Gin Kings na makaisa pa ng panalo para tuluyang maangkin ang kampeonato at pagharian ang Season 49 PBA Governors’ Cup.
Ito ngayon ang pang sampung PBA championship ng PLDT franchise at ika-sampung kampeonato rin ni Chot Reyes bilang head coach.
Humataw at pinaigting ni Best Import Rondae Hollis-Jefferson ang kanyang performance sa fourth quarter para tuluyang sibakin ang Ginebra sa kanilang best-of-seven championship series, 4-2.
Itinanghal namang MVP sa Governor's Cup Finals si Jayson Castro, kung saan ito na ang kanyang pangatlong Finals MVP plum mula nung una niya itong nakuha noong 2010-11 Philippine Cup at sinundan noong 2011 Commissioner’s Cup.
Ayon Kay Castro, total team effort ang naging susi ng kanilang pagkakapanalo sa PBA Finals ngayong Season 49 Governors’ Cup. Iniaalay din ni Castro Ang kanyang pagiging Finals MVP sa buo niyang kasamahan sa TNT.
“So, ang MVP na yun para sa akin hindi ako yun, kundi ang buong team,” sabi ni Castro.
"Saka yung MVP na yun hindi lang ako. As a team talaga yun kasi kung makikita niyo naman, even sa Best Player of the Conference, wala sa aming candidate kasi we play as a team,” dagdag pa niya.