Rubilen Amit tutok sa nalalapit na Las Vegas Women’s Open

Rico Lucero

Tututukan ngayon ang paglahok ni WPA world champion Rubilen “Bingkay” Amit ang gaganaping Las Vegas Women’s Open na isasagawa sa Rio All Suite Hotel sa Nevada, USA mula Pebrero 25 hanggang Marso 1.

Tampok sa naturang tournament ang nasa 64 tigasing women’s cue artist sa buong mundo kung saan inaasahang mapapalaban ng husto ang 43-year-old na pinay cue artist. 

Pagkatapos ng nasabing tournament ay sasabak naman si Amit sa Las Vegas Mixed Doubles kung saan ay makakatambal naman niya si 2010 WPA World 9-Ball Championship king Francisco “Django” Bustamante.

Nitong nakaraang Enero 27 ay tumanggap ng parangal at pagkilala si Amit mula sa Philippine Sportswriters Association na isinagawa sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Matatandaang si Amit ang kauna-una­hang Pinay cue master na nakasungkit ng World 9-Ball crown kung saan nakuha ng Pinay cue master ang pukpukang 3-1 na panalo laban kay Chen Siming ng China sa race-to-4 racks, best-of-5 sets championship round sa ginanap na prestihiyosong 2024 WPA Women World 9-Ball Championship sa Hamilton, New Zealand.