Rain or Shine, muling nakasilat ng panalo vs. SMB
Nasungkit ng Rain or Shine Elasto Painters ang kanilang ikalawang sunod na panalo kontra sa defending champion na San Miguel Beermen sa kanilang paghaharap nitong Martes ng gabi sa Filoil EcoOil Center sa San Juan, Maynila sa pagpapatuloy ng PBA 49th Season Commissioner’s Cup, 107-93.
Ayon kay RoS coach Yeng Guiao, naging susi ng kanilang panalo ang diskarte nila sa laro kung saan tinapatan nila ang bilis ng Beermen.
“I keep pushing the boys that our only chance against San Miguel is to play fast. Kapag nakipag-half court game ka sa kanila, wala kang chance manalo,” ani Guiao.
Nauna rito, sinabi na rin ni Guiao na kailangan mabantayan ng husto si June Mar Fajardo at mapababa ang efficiency nito.
“Ang biggest factor really is having a big import. There's really no local who can matchup with him physically. Even Deon Thompson had a hard time just minimizing his touches and making him less efficient around the basket. But I think that's the key. Yun ang susi talaga para talunin mo yung San Miguel, kailangan mahirapan si June Mar.”
“So Deon just did that and he got into foul trouble because of it, but the rest of our other big guys, Beau, Keith, tried to do their share in trying to limit Junmar's touches. I think that's the key. Our defense was the key,” pahayag pa ni coach Guiao.
Sinabi pa ni Guiao na nagsilbing motivation ng koponan ang naging karanasan nila noong kasagsagan ng Philippine Cup kung saan na sweep sila ng Beermen noong nakaraang season.
“Gusto na naming kalimutan yun pero kahit papano, nakabawi kami ngayon. Motivation sa amin yon, gusto kasi naming makabalik kahit papano. Yung 37 points sa fourth quarter, yun talaga ang bilis na gusto naming laruin,” dagdag pa ni Guiao
Umarangkada ang Elasto Painters, 12-0, sa kalagitnaan ng last quarter kung saan pinangunahan ni Deon Thompson ang panalo na nagtala ng 18 points.
Nagposte din si Adrian Nocum ng 15 puntos, limang assists, apat na rebounds, apat na steals, at zero turnovers para tulungan ang Rain or Shine. Nagdagdag naman si Caelan Tiongson ng 14 puntos, habang may tig-12 puntos sina Felix Lemetti at Keith Datu. Si Jhonard Clarito naman ay may 10 puntos at 11 rebounds para maitala na nila ang pangalawang panalo.
Sa panig naman ng Beermen, nagtapos si Fajardo ng may 20 points at 10 rebounds, at nalimitahan lang ito sa 10 field goal attempts habang nakagawa rin ng limang turnovers.
Hindi rin sumapat ang ikinargang puntos ni Juami Tiongson na 16 markers, apat na rebounds, at tatlong assisst. Gayundin si SMB import Quincy Miller na may 12 puntos at 10 rebounds na napa-upo sa huling minuto ng laro.
Ito na ang kanilang ikalawang sunod na talo ng SMB.
Sa Biyernes, December 13, susubukan ng Beermen na kumuha ng panalo laban sa wala pang panalong Terrafirma Dyip sa Ninoy Aquino Stadium, habang ang koponan naman ni coach Yeng Guiao ay makikipagtuos sa Magnolia Chicken Timplados Hotshots sa susunod na Miyerkules, December 18.
Ang mga marka:
Rain or Shine 107 – Thompson 18, Nocum 15, Tiongson 14, Lemetti 12, Datu 12, Clarito 10, Santillan 9, Caracut 8, Asistio 4, Norwood 3, Ildefonso 2, Belga 0, Demusis 0.
San Miguel 93 – Fajardo 20, Tiongson 16, Miller 12, Tautuaa 10, Perez 9, Cruz 7, Trollano 7, Teng 5, Ross 3, Lassiter 3, Cahilig 1.
Mga quarter : 19-25; 47-42; 70-72; 107-93.