Pinay Martial artist wagi ng ginto sa 8th Asian Pencak Silat Championship 2024
Nasungkit ni Angeline Viriña ang gintong medalya sa kanyang unang pagsali sa international championship kung saan bukod sa gintong medalya ay nasungkit naman ng Philippine pencak silat team ang limang silver medals at siyam na bronze medals sa 8th Asian Pencak Silat Championship 2024 sa Bukhara, Uzbekistan.
Sa debut fight ni Viriña, ipinamalas agad nito ang kanyang husay at galing sa ganitong uri ng martial arts sa women’s -45kg class. Tinalo nito ang mga kalaban, isa mula sa host country na Uzbekistan at isa naman ay ang Indonesia.
Ayon kay PhilSilat Sports Association President Princess Jacel Kiram, sa kabuuan ay 22 mga atleta ang kanilang naipadala at nakipag-compete sa 8th Asian Pencak Silat Championship at 19 sa mga atletang ito ang nakakuha naman ng mga medalya. Ipinagmalaki ito ni Kiram lalo na ang ipinakitang husay at dedikasyon ng mga atleta na kanilang ipinadala.
“Sa 22 atleta, 19 ang nakakuha ng medalya, isang kahanga-hangang patunay ng iyong dedikasyon, pagsusumikap at tiyaga. Ang iyong mga pagsisikap ay nagpalaki sa aming lahat,” sabi ni Kiram.
Pinasalamatan din ni Kiram ang Philippine Sports Commission sa suportang kanilang ibinigay sa Philippine pencak silat team para makamit ang tagumpay.
“Isang taos-pusong pasasalamat sa Philippine Sports Commission para sa kanilang napakahalagang suporta. Mabuhay ang Team Pilipinas! Narito ang higit pang tagumpay sa hinaharap!” dagdag pa ni Kiram.
Matatandaang noong nakaraang Linggo, una na ring humakot ng medalya ang Pilipinas sa katatapos na 2024 Asian Kickboxing Championship sa Cambodia kung saan nasungkit naman ng bansa ang 5 gold, 1 silver, at 10 bronze medals at isa si Paris Olympian boxer Hergie Bacyadan sa mga nakapag-uwi ng gintong medalya.