Philippine Olympic Committee, nais makapagpadala ng maraming atleta sa SEA Games

Rico Lucero
Photo courtesy: POC

Target ng Philippine Olympic Committee o POC na makapagpadala ang bansa ng maraming atletang  Pinoy na sasabak sa Southeast Asian Games sa susunod na taon sa Thailand.  

Bagaman plantsado na ng POC ang bilang ng mga atletang ipapadala sa SEA Games, gusto pa rin ng POC na makapagpadala ang bansa ng mga atleta sa lahat ng sports event na nakaprograma sa SEA Games. 

Sa kabuuan, may 581 events ang nakalinya sa 50 sports bukod sa tatlong demons­tration sports kasama ang tug of war at ultimate (frisbee).

Ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino, may sapat ding panahon pa ang mga atletang Pilipino para paghandaan ang ang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre ng 2025.

Sinabi pa ni Tolentino na naging malaking inspirasyon nila sa pagpapadala ng mga atleta ay ang naging  tagumpay ng Pilipinas sa Paris Olympics kung saan nagkamit ng apat na medalya mula kay Carlos Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio. 

“Coming off our Olympic success in Paris and with the growing enthusiasm of our national sports association to make their marks in the SEA Games, our national federations and athletes have enough time to prepare and contend in Thailand,” sabi ni Tolentino.

Idinagdag ni Tolentino na sasalang ang mga Pinoy athletes sa halos lahat ng sports sa 2025 Thailand edition para lumaki ang tsansang manalo ng gold medal.

“There’s enough time and there are more than enough opportunities,” dagdag pa ni Tolentino.