PBA: Pangalawang panalo target ng Rain or Shine vs. Beermen
Target mamayang gabi ng Rain or Shine Elasto Painters na makuha ang ikalawang sunod na panalo kontra sa San Miguel Beermen sa pagpapatuloy ng PBA Season 49 Commissioner’s Cup.
Magdu-dwelo ang SMB at Elasto Painters sa FilOil Eco Oil Centre sa San Juan City.
Magugunitang nakuha ng Elasto Painters ang kanilang unang panalo laban sa Hong Kong Eastern, 99-81, nitong nakaraang Miyerkules sa Ninoy Aquino Stadium kung saan mayroon nang 3-1 standing ang Eastern habang ang Rain or Shine naman ay mayroon nang 1-1 win-loss record.
Nakalasap naman ng talo ang San Miguel (1-1), 99-104, kontra NLEX (3-1) sa kanilang huling laro nitong Linggo ng gabi, December 8.
Muling ibabandera ng RoS ang kanilang import na si Deon Thompson na isa din sa mga nagdala ng laro noong nakasagupa nila ang Eastern kung saan humakot ito ng 21 points at 15 rebounds sa kanyang PBA debut.
“He changes the chemistry for the better. Mas maganda ‘yung ikot ng bola, tapos ang galing niyang dumipensa,” ani coach Yeng Guiao kay Thompson.
“He’s got the inside game and the outside game. Kapag lumabas tunay na laro, mas magiging problema siya ng ibang team,” dagdag pa ni Guiao sa kanyang replacement import.
Sina Andrei Caracut, Beau Belga, Adrian Nocom, Leonard Santillan at Keith Datu ang muling makakatulong muli ni Thompson sa Rain or Shine para higpitan ang depensa laban kina SMB reinforcement Quincy Miller, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Chris Ross, Juami Tiongson at Mo Tautuaa.