PBA Commissioner’s Cup, ‘isang import lang ang papayagan’ - Marcial

Rico Lucero
photo courtesy: PBA

Isang import na lamang na may unlimited height ang itatampok sa dara­ting na Season 49 PBA Commissioner's Cup.

Kasabay nito ang pag­pasok ng Hong Kong Eastern bilang guest team sa torneong didribol sa darating na Nob­yembre 27.

Ang bawat koponan ay papayagang maglagay ng isang import na walang limitasyon pagdating sa taas (height), kung saan kabilang ang HKE bilang ika-13 koponan ng paligsahan pagkatapos nilang maisapinal ang kanilang paglahok.

“Imports natin for the Commissioner’s Cup isa lang with unlimited height. Pinag-usapan din namin sa Hong Kong Eastern ‘yun. And pumayag din sila doon,” ani PBA Commissioner Willie Marcial.

Sa tuntunin ng PBA, maaaring palitan ang orihinal import ng isang koponan at ilagay sa injured/reserve list para makabalik uli sa laro, subalit ang replacement import na pinalitan ay hindi na maari pang maglaro. 

“Puwede silang magpa­lit (ng import) pero accor­ding sa regulations natin,” sabi pa ni Marcial.

Idinagdag pa ni Marcial na ang PBA at ang Hong Kong-based ballclub ay nagkasundo na sa mga alituntunin at mga prinsipyong ipatutupad tungkol sa paparating na event at partisipasyon ng koponan sa mid-season conference na magsisimula sa Nobyembre 27, gayundin ipapanalisa ng PBA at ng guest team ang kani-kanilang kontrata.

“Kontrata na lang. Pero in principle ok na kami nu’ng team owner (chairman Frankie Yau). Kausap ko siya nu’ng isang araw nasa Europe siya. Gagawa na lang ng kontrata,” dagdag pa ni Marcial. 

Samantala, inaasahan din ng Hong Kong Eastern ang dalawang taong pananatili sa PBA ngunit sinabi ni Marcial na kailangan muna nilang pag-usapan ito pagkatapos ng season. Maliban dito, wala ring home game ang Hong Kong team ngayong conference kung kaya maglalaro lang ang HKE team sa buong schedule nila sa bansa.