Paulino, nasungkit ang unang gintong medalya sa PH National Para Games.
Nasungkit ng Para swimmer na si Christian Benedict Paulino ang unang gintong medalya sa nagpapatuloy na 8th Philippine National Para Games na isinasagawa sa Rizal Memorial Sports Complex.
Si Paulino ang kumatawan sa Quezon City LGU ang nanguna sa men's 400m freestyle S6-S7 sa loob ng anim na minuto at 55.61 segundo, kung saan tinalo nito si Zach Lucas Osioma ng Cadiz City, na nakapagtala ng 8:27.50.
Ayon kay Paulino, ito ang unang panalo niya sa Para Games kung kaya masaya siya na nakuha ang gintong medalya at pangarap din umano nito na makasali sa Paralympics.
"First time ko po manalo sa National Para Games. Masaya dahil gusto ko i-pursue ang dream ko na makasali sa Paralympics," ani Paulino.
Sinabi pa ni Paulino na gusto rin aniya niyang makamit kung anomang na-accomplish ng hinahangaan niyang Para swimmer na si Ernie Gawilan.
"Gusto ko rin po marating ang na-accomplish ni kuya Ernie. Siya po ang idol ko," dagdag pa ni Paulino.
Samantala, ang iba pang mga nakapag uwi rin ng gintong medalya sa unang araw ng Para Games ay sina Justine Oliveros ng Laguna para sa men's 400m freestyle S8, S9, S10 at si Tokyo Paralympian Gary Bejino para naman sa men's 50m butterfly S6 at S7.