Pangalawang ginto nakamit ni EJ Obiena sa Orlen Copernicus Cup

Nasungkit ng Pinoy pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena ang kanyang ikalawang gintong medalya sa ginanap na athletics season ng 2025 Orlen Copernicus Cup na ginanap sa Torun, Poland.
Naitala ni Obiena ang 5.80 metrong taas ng talon para masiguro ang gintong medalya sa naturang event.
Sa kaniyang first jump attempt, naitala ni Obiena ang 5.50m kung saan mabilis nitong nakuha ang naturang marka. Nalampasan din nito ang 5.60m at agad na nagpapunta sa kanya sa 5.70m, bagaman dalawang beses na sumablay si Obiena sa kaniyang 5.80 jump hanggang sa nakuha ni Obiena ang taktika kung kaya nagawa na nitong lampasan ang marka sa kanyang pangatlong attempt.
Samantala, nakuha naman ni Piotr Lisek ng Poland ang silver medal nang nakapagtala ito ng 5.70 mark, habang pumangatlo naman si Sondre Guttormsen ng Norway na may parehong marka kung saan naungusan dito ni Lisek si Guttormsen via countback.
Matatandaang nauna ng nasungkit ni Obiena ang gintong medalya sa katatapos na Metz Moselle Athlelor sa France, at mayroon itong isang silver medal sa ginanap na International Springer-Meeting Cottbus noong nakaraang buwan.
Una na ding nabigo ang two-time Olympian na ipagtanggol ang kanyang titulo sa ISTAF Indoor sa Germany matapos na mahulog ito sa ikapitong rank na nakumpleto lamang na 5.55-metro.
