NU Pep Squad, tinanghal na kampeon sa UAAP Season 87 Cheerdance Competition
Ang nagniningning na performance ng National University Pep Squad ang nagbigay sa kanila ng kampeonato sa UAAP Season 87 Cheerdance Competition na isinagawa sa SM Mall of Asia Arena, nitong Linggo ng hapon, December 1.
Ipinakita ng NU ang kanilang tikas sa routine at kumpiyansa sa paghagis ng kanilang mga dancers sa ere sa harap ng mahigit na19,121 fans at para makakuha ng 713 points at maangkin ang pang-walo nilang korona.
Sinimulan ng NU Pep Squad ang kanilang performance na naka suot ng astronaut costumes bago naging parang mga aliens, subalit ang tumatak sa mga hurado ay naging performance ng mga miyembro ng grupo nila na umiikot sa ere.
Ayon kay NU head coach Gabby Bajacan, nasorpresa sila sa naging resulta ng competition at hindi nito inaasahan na makukuha ang kampeonato sa Cheerdance competition.
“Sobrang hindi po namin in-expect. Siguro masyado lang kaming hard sa sarili namin. We did not expect itong award na to. The whole competitors sobrang nag-step up lahat sila. University of the East. Adamson University. Grabe yung mga pinaghirapan talaga nila,” sabi ni Bajacan.
Idinagdag pa ni Bajacan na nakita din nito ang determinasyon at dedikasyon ng bawat team na makuha ang panalo sa pagkakataong ito.
“Nakita namin yung dedication ng bawat team ngayon, so we did not expect na mananalo kami,” dagdag pa niya.
Samantala, nakuha naman ng Adamson University Pep Squad ang second place kung saan nakakuha ito ng 679.5 points, habang nakuha naman ang Far Eastern University ang ikatlong pwesto matapos makakuha ng 650 points mula sa mga hurado.
Aminado naman si FEU head coach Randell San Gregorio na nagulat siya dahil hindi nito sukat akalain na mapapasama pa ang kanilang grupo sa sa third ranking sa taong ito ng cheerdance competition.
“So okay pa rin, masaya. ‘Di lang kita sa mukha, pero masaya kami. Honestly, after our performance, sinabi ko sa kanila na ‘wag mag expect kasi feeling ko ‘di kami aabot sa Top 3. Ranking ko sa amin mga fourth or fifth. Nag debrief kami, and sinabi ko na ganon kasi we had too many mistakes para mag podium. Buti na lang hinila kami ng dance, pero yung cheer elements namin, mababa yung rank.” sabi ni San Gregorio.
Umaasa ang FEU head coach na sa susunod na competition ay mapupunan na nila ang kanilang mga naging pagkukulang at makukuha na nila ang kampeonato sa susunod na season.
“Okay naman yung program namin. It’s just, ‘di lang talaga nabuo eh. Breaks of the game, so siguro we need to work more on our consistency. Tuwing mag de-defend kami, ‘di maganda nangyayari sa amin so we need to re-evaluate our performance this year. Hopefully, we get to bounce back next year stronger. Kung ano man yung kulang, sana ma-figure out namin yun,” dagdag pa ni coach San Gregorio.
Nakuha naman ng University of the East ang No. 4 spot na na gumamit ng Sexbomb theme, at nakakuha ng 641 points.
Ikalimang pwesto ang UST na may temang Batang 90’s at mayroong 634.5 points., pang-anim ang UP (560 points), pang-pito ang DLSU (525 points) at eighth place ang Ateneo de Manila University.