Mga babaeng atleta sa bansa, pinarangalan ng PSC
Nagsagawa ng isang uplifting ceremony ang Philippine Sports Commission o PSC para bigyang pugay at kilalanin ang kagila-gilalas at tagumpay ng mga kababaihan sa larangan ng sports.
Ang okasyon ay dinaluhan ng higit sa 70 mga babaeng atleta para kilalanin ang kanilang mga nagawa at kontribusyon sa larangan ng sports na kanilang kinabibilangan.
Ang mga atleta ay binigyan ng commemorative rings sa seremonya, na pinangasiwaan ni Commissioner Olivia “Bong” Coo, na siyang namamahala sa mga programang may kinalaman sa Women-in-Sports ng PSC.
“I’m happy to be here, surrounded by women in sports who share the same mindset and goal of increasing the number of women excelling in sports,” pagbabahagi ni Hidilyn Diaz.
Tampok sa seremonya ang mga kilalang atleta tulad ng Olympic gold medalist weightlifter na si Hidilyn Diaz-Naranjo, na ginawaran ng coveted Flame Award noong Marso, Adeline Dumapong, ang unang Paralympic medalist ng bansa, Long Jump Queen Elma Muros-Posadas, at Janelle Mae Frayna, ang tanging babaeng grandmaster sa Pilipinas.
Nagsilbi rin ang okasyon bilang isang forum kung saan tinalakay ang tungkol sa hanay ng mga aspetong panlipunan na nakakaapekto sa mga babaeng atleta.
Kasama sa mga tinalakay ay ang ukol sa Gender Inclusion, violence against women and girls in sports, at iba pang mga kinakaharap ng mga babaeng atleta lalo na ang mga para-athletes o mga atletang mayroong kapansanan at special needs.
Nagsilbing mahalagang paalala din ang naturang aktibidad para patuloy na sikapin ng mga atleta na itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian sa sports.
Samantala, patuloy naman ang PSC sa paggawa ng mga hakbang para sa ikabubuti at para mapalakas pa ang kakayahan ng mga babaeng atleta sa bansa para na rin sa mga susunod na henerasyon ng mga babaeng atleta.
“This is a step forward in promoting gender equality within the Philippine sports industry. The voices of our female athletes and leaders are crucial in shaping the future of sports,” pagtatapos ni Coo.