Masters Pinoy Pilipinas Basketball team dumating na sa Taiwan

Dumating na sa Taoyuan Taiwan International Airport ang Masters Pinoy Pilipinas 45UP ng Masters Pinoy Pilipinas Basketball para sumabak sa World Masters Game 2025 na ginaganap ngayon sa Taiwan hanggang Mayo 31.
Kasama ang buong coaching staff ng Masters Pinoy Pilipinas Basketball kasama si Coach Arlene Rodriguez at mga Pinoy basketball legends kabilang na sina Roger Yap, Glibert Malabanan, Mong Basco, Paul Reguera, Oliver Agapito Nabung, Arvin Aguila, Edwin Manabat, Ricky Ricafuente, Estong Balleteros, Romel David, Rendel De Rea at Milo Bonifacio.
Matatandaang una nang sinabi ni Coach Arlene na kasama nila sa pagbuo ng Masters Pinoy Pilipinas 45up Basketball ang kanilang team manager na si Architect Rey Punongbayan, at assistant coaches na sina Dann Michael Ceneba at Albert Valbuena noong Oktubre nang nakaraang taon at habang sinisimulan nilang planuhin ang pagbuo sa nasabing basketball team ay sinimulan na rin nila ang pagpapa-ensayo pagpasok ng ikalawang linggo ng Disyembre, hanggang Enero ng kasalukuyang taon.
“Yung Masters Pinoy, sinimulan natin noong Oktubre. Pero sinimulan namin ang practice noong second week ng Disyembre, pagkatapos ay nagkaroon kami ng pag-uusap. Then we decided to start it again ngayong January,” sabi ni Coach Rodriguez.
Layunin ng pagbuo sa nasabing Basketball team na lumahok sa World Masters Game ngayong taon na nagsimula na noon pang Mayo 17 at matatapos sa mayo 31.
Kumpiyansa naman si Coach Rodriguez na sapat ang naging paghahanda nila para sa nasabing torneo at sisikapin nilang makapauwi ng karangalan para sa bansa.
