Martin, sasabak sa non-title super bantamweight sa Linggo

Matapos talunin ang kanyang dalawang kalaban sa Mexico noong nakaraang taon, lalabang muli ang pride ng Ifugao province na si Carl Jammes Martin para sa non-title super bantamweight 10-round bout kontra kay Jose Sanmartin ng Colombia sa Marso 22 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Noong Setyembre, tinalo ni Martin si Anthony Jimenez Salas sa pamamagitan ng second-round technical knockout, na sinundan ng panalo kontra Ruben Tostado Garcia noong Disyembre sa fifth-round technical knockout. Parehong mula sa Mexico ang kanyang mga nakalaban, at sa mga tagumpay na ito, napanatili niyang malinis ang kanyang rekord na may 25 panalo, kabilang ang 20 knockouts.
Gayunpaman, mas malaking hamon ang haharapin niya kay Sanmartin, na may mas malawak na karanasan sa boxing, taglay ang 35-9-1 rekord, kabilang ang 21 panalo sa pamamagitan ng knockout.
Isang malaking hamon at magandang pagkakataon ito para sa Pinoy boxer na ipamalas ang kanyang husay sa laban, lalo na sa world’s boxing Mecca—isang pugad ng mahuhusay na prospect at hinaharap na kampeon sa isport ng boxing.
“I am so thrilled to be fighting in Las Vegas, Nevada. When I was a little boy, I grew up watching some of the greatest fighters in boxing history all showcasing their talents in Las Vegas. I watched many Manny Pacquiao fights out there, and now I’m fighting in Las Vegas. This is a dream come true,’’ ani Martin.
Ayon sa presidente ng MP Promotions ni Manny Pacquiao na si Sean Gibbons, nagpahayag ito ng kanyang buong suporta sa kampanya ni Martin ngayong taon at inaasahang magwawagi sa world title hanggang sa huling bahagi ng 2025.
“This is a very exciting time in Carl’s career. To have his first fight here in the United States to be in Las Vegas where Carl’s idol Manny Pacquiao has fought so many times is a dream come true,” ani Gibbons.
Ayon kay Gibbons, sabik si Carl na mapabilib ang mga manonood sa darating na linggo habang patuloy niyang tinatahak ang landas patungo sa kanyang pangarap na masungkit ang world title ngayong taon para sa sambayanang Pilipino.
“Carl is looking to impress everyone next week on his way to his ultimate goal of winning the world title in 2025,” dagdag pa ni Gibbons.
