Karl Eldrew Yulo namakyaw ng 8 gintong medalya sa Chiu Wai Chung Cup
Hindi nagpa-awat sa paghakot ng medalya si Karl Eldrew Yulo, kung saan nakasungkit ito ng walong gintong medalya sa 2024 sa Chiu Wai Chung Cup sa Hong Kong.
Dinomina ni Yulo ang walong nakatayang event sa individual at team, kung saan unang sinikwat ang ginto sa individual all-around bago paisa-isang sinunod ang lahat ng anim na apparatus na floor exercise, vault, parallel bars, horizontal bar, pommel horse at still rings, na sinandigan ng junior men’s artistic gymnastics team para mamuno sa team event.
Ang tagumpay ni Yulo ay bahagi ng 14 na ginto, anim na pilak at limang tansong medalyang iuuwi ng Pilipinas mula sa mga torneong sinalihan ng Gymnastics Association of the Philippines sa taong 2024.
Si Yulo ay kasalukuyan sinasanay ni Japanese gymnast coach na si Munehiro Kugemiya na dating coach naman ng kuya nito na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo na nagwagi naman ng dalawang gintong medalya sa nakalipas na Paris Olympics noong nakaraang Agosto.
Bukod kay Eldrew, nasungkit din ng seniors men’s artistic gymnastics team ang gintong medalya para naman sa team event.
Nasungkit ni Miguel Besana ang tatlong gintong medalya sa seniors individual all-around, floor exercise at pommel horse, habang si Justine Ace De Leon ang nanguna sa still rings at parallel bars mints.
Bukod rito, nakamit din ni Besana ang tatlong pilak sa ring, parallel bar at vault, at isang tanso sa horizontal bar. Umuwi rin si De Leon na may tanso sa vault.
Kabilang naman sa iba pang mga medalists ay sina Hilarion Palles III para sa pommel horse bronze, parallel bars bronze, John Matthew Vergara para sa horizontal bar silver, parallel bars bronze, Jhon Romeo Santillan para sa floor exercise silver at Jan Gwynn Timbang para naman sa pommel horse silver.