Ikatlong panalo, nasungkit ni Bomogao vs. Nerea Rubio ng Spain

Sa ikatlong pagkakataon, muling nasungkit ni Erika Islay Bomogao ang panalo One Championship. Nakuha ni Bomogao ang panalo kontra Nerea Rubio ng Spain sa catchweight na 103-pounds sa ONE Friday Fights 111, nitong nakaraang Biyernes ng gabi, Hunyo 6, sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand.
Magugunitang nakansela ang nauna nilang paghaharap dahil sa malakas na lindol na yumanig sa Thailand noong Marso.
Muling nagpasikat ang 2021 Southeast Asian Games gold medalist ng impresibong panalo nang tapusin ni Bomogao ang Spanish fighter sa loob ng 1:05 ng first round sa pamamagitan ng malupit na body shot.
Sa simula pa lang ng kanilang sagupaan ay bumitaw na ng mga sunod-sunod na kombinasyon si Bomogao, kasabay nito ang pagpapakawala ng mga tira sa pamamagitan ng kanyang tuhod sa sikmura, subalit natigil matapos matumba silang dalawa.
Pinatikim din ni Bomogao ng matinding front kick sa mukha ang Spanish fighter na nagpatigil pansamantala rito, at sinundan pa ni Bomogao ng right straight punch na tumama sa kaliwang tagiliran at left kick sa katawan na senyales ng pagtupi ng karibal mula sa mga tinamong suntok.
Hawak ngayon ni Bomogao ang malinis na record na 3-0 sa nakalipas na tatlong laban nito.
