Ikalawang panalo target ng Magnolia laban sa Converge

Juan Karlo Libunao (JKL)
Photo Courtesy: PBA

Layunin ng Magnolia Hotshots at Converge FiberXers na makamit ang kanilang ikalawang panalo sa kanilang paghaharap sa PBA Season 49 Commissioner's Cup sa Ynares Center, Antipolo mamayang alas-singko ng hapon.

Target ng Magnolia na sundan ang kanilang 118-110 victory laban sa Blackwater Bossing noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 28, at makamit ang 2-0 kartada sa team standings.

Samantala, ang Converge naman ay planong makabalik sa win column matapos silang mabigo sa guest team na Hong Kong Eastern, 106-117, noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 29, at nagkaroon ng 1-1 win-loss slate

Ayon kay Hotshots head coach Chito Victolero, ang pagkabigo ng FiberXers sa huli nilang laban ay mas nakakagambala lalo na at mga bata pa ang mga players nito.

"They are a dangerous team for us kasi ano 'yan, mga bata, eh," saad ni Victolero.

"The way they played last night, very aggressive. Kumbaga 'yung sistema nila parang run-and-gun, eh. So I think we need to be more sharp on our execution sa depensa," dagdag pa ng 49-year-old mentor.

"Plus, we need to be more aggressive sa rebounds, especially 'yung import nila maraming nakukuhang offensive rebounds. And then their young guys, (Alec) Stockton, (Schonny) Winston, (Jordan) Heading, (Justin) Arana, very aggressive," paliwanag pa ni Victolero.

"So I think it would also be a test nu'ng transition defense namin. 'Yung opensa naman namin, we need to keep executing lang para hindi kami matakbuhan. Naghihintay kasi sila ng transition points, fastbreak points."

Malaki sana ang mai-aambag ni Calvin Abueva para pigilan ang running game ng Converge ngunit hindi ito makakapaglaro dahil sa tinamong neck injury noong nakaraan nilang laro.

"He's a big factor, pero there are other guys who can step up naman," ayon kay Victolero. "The energy na ibinibigay ni Calvin, plus the fact na 'yung rebounding niya, hustle, 'yun 'yung mga ma-mi-miss namin. Pero I told the other guys na they need to step up, especially those na ka-posisyon niya."

Bukod pa sa local unit ng FiberXers, isa din pagtutuunan ng pansin ng Hotshots ay ang import ng kanilang katunggali na si Cheick Diallo na kumamada ng 43 points kaakibat ng siyam na rebounds noong sila ay matalo sa guest team.

Gayunpaman, naniniwala ang dating Coach of the Year na malalagpasan ng Hotshots ang mga kinakaharap nila lalo pa at kasama nila ang ever-reliable nilang import na si Ricardo Ratliffe na tumugon agad sa una nilang laban at nag-ambag ng 30 points at 18 rebounds.