ICF Dragon Boat World Championships, aarangkada na ngayong araw sa Palawan.
Umarangkada na ang ICF Dragon Boat World Championships na isasagawa sa Puerto Princesa, Palawan.
Nasa 27 mga bansa ang kalahok sa naturang event kung saan nasa mahigit 2,000 na mga manlalaro ang nasa Palawan na ngayon.
Ang nasabing palaro ay isa na ring main qualifying event para sa World Games na isasagawa naman sa Chengdu, China sa susunod na taon.
Ayon kay International Canoe Federation Thomas Konietzko ng Germany, labis ang kanilang kasabikan na makalahok sa naturang sporting event. Hinangaan din nito ang napakagandang lugar ng Puerto Princesa na pagdarausan ng Dragon Boat Competition.
“Puerto Princesa is one of the cleanest cities in the world so we have a unique site for the world championships where we can write history here together,” sabi ni Konietzko.
Samantala, tiwala si Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation president Leonora Escollante na bilang host country inaasahan nilang mangunguna ang Pilipinas sa Dragon Boat Competition.
Ganito rin ang pananaw ni national team veteran and team skipper OJ Fuentes dahil mahigit isang buwan din umano ang kanilang ginawang paghahanda at pag-eensayo bago pa man sumapit ang araw na ito.
“We are prepared to make it to the top 10. Matagal na po namin napaghandaan ito at alam ng national paddlers lahat kung ano ang nakataya,” ani Fuentes.
Matatandaang huling nagkampeon ang bansa sa naturang torneo noong 2018 sa Gainesville, Georgia.