Grassroots program nais palakasin ng Philippine Aquatics Inc.

Upang lalo pang mapagtagumpayan ang mga layunin at adhikain ng Philippine Aquatics Inc. (PAI) at mapalakas ang kanilang grassroots programs, nakipagtulungan ito sa pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) upang makapagpadala ng mga de-kalidad na atleta sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
Nakatuon ang PAI sa pagpapataas ng kalidad ng mga batang atletang maaaring maging bahagi ng national team na sasabak sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand ngayong taon, pati na rin sa 2026 Asian Games sa Japan at sa iba’t ibang Olympic qualifying tournaments para sa LA Games.
Nakahanda namang suportahan ng PSC ang mga programa ng PAI sa grassroots development, lalo na ang patuloy na pagsasanay ng mga elite swimmers, kabilang sina 2023 Southeast Asian Games record holder Xiandi Chua, Chloe Isleta, Miranda Reiner ng Australia, at Olympic medalist Fil-Canadian Kyla Sanchez, upang maihanda sila para sa LA Olympics.
Ayon kay PAI Executive Director Anthony Reyes, kasalukuyang mayroong 20 swimmers sa National Training Pool. Aniya, ginagawa na rin nila ang mga kinakailangang programa sa training, lalo na para sa mga batang swimmers, upang maihanda sila sa SEA Games at Asian Games, at nang sa gayon ay mag-qualify rin sila sa Olympics.
Iginiit pa ni Reyes na bahagi rin ng pagpapaunlad ng kanilang pampalakasan na programa ang iba pang aquatics sports tulad ng open water swimming, diving, water polo, at synchronized swimming.
“Right now, may 20 tayong swimmers sa National Training Pool. Ginagawa namin ang mga kinakailangang programa para sa kanilang training, lalo na para sa ating mga batang swimmers, upang maihanda sila sa SEA Games, Asian Games, at, hopefully, mag-qualify sila sa Olympics,” ani Reyes.
Bukod sa mga programang nakalaan para sa mga swimmers, mayroong ding inihandang programa ang PAI para sa mga coach. Magsasagawa ito ng coaches’ seminar sa Marso 25–26 na pangungunahan ng Canadian coach na si Kyla Sanchez.
Gayundin, nakipag-ugnayan ang PAI sa ilang swimming clubs sa Australia upang mas marami pang atletang Pilipino ang mabigyan ng pagkakataong makapagsanay at makapaghanda para sa mga paparating na malalaking torneo sa ibang bansa.
