Exclusive: Spike and Serve humuhubog ng magandang ugali ng kabataan sa pamamagitan ng Volleyball
Hindi lang pagtuturo at paglalaro ng volleyball ang layunin ng Spike and Serve Philippines Inc.
Layunin din nitong hubugin ang pag-uugali at sanayin ang mga kabataan na maging mahusay at responsableng lider sa hinaharap para makapagtaguyod ng isang maganda at maayos na komunidad at pamayanan.
Isa sa mga pioneer at founder ng Spike and Serve ay ang Filipina professional volleyball player na si Nicole Anne “Tiammy” Tiamzon. Itinatag niya ito noong taong 2017. Isa itong non-profit grassroots volleyball development program kung saan tinuturuan nila ang mga mahihirap na bata na maglaro ng volleyball at nag-oorganisa ng mga community-based na liga kung saan sila makakalaban.
Si Coach Tiammy ay nagsimulang maglaro ng volleyball sa edad na 10. Nagsimula siyang makipag-compete noong nasa second year high school siya sa Siena College of Taytay sa Rizal. At noong nagkolehiyo na siya noong 2012 ay nag tryout siya sa Lady Maroons ng University of the Philippines Diliman at naging manlalaro dito habang kumukuha ng kursong Sports Science.
Kasabay ng pagkakabuo ng Spike and Serve ay mayroon itong tatlong significant initiatives: Yakap sa Komunidad, Ikot Pinas, at Grassroots Development Program (GDP).
Lalawigan ng Ifugao - isa sa mga probinsyang kinagigiliwan ni Coach Tiammy.
Ayon sa dating outside hitter ng UP Lady Maroons, espesyal sa kanya ang lugar na ito dahil marami sa mga taga roon, lalo na ang mga kabataan, ang gustong matutunan ang paglalaro ng volleyball.
"The reason why Ifugao is special to me is because it is where Ikot Pinas started in 2019, and we recently brought international coaches and professional volleyball players together with Let's Keep The Ball Flying, a global volleyball foundation, to that community, and we contributed in terms of creating their volleyball toolkit, that will be available all over the world this year,” pahayag ni Coach Tiammy sa exclusive interview sa kanya ng Laro Pilipinas.
Isa pa sa mga layunin ng Spike and Serve kung kaya’t nagsasagawa sila ng mga community-immersion ay para malaman din ang mga pangangailangan ng mga kabataan sa mga komunidad lalo na ang mga mahilig sa sports na volleyball. Para sa ganitong paraan ay matutulungan nila ang mga opisyal ng mga bawat komunidad na makapagtatag ng mga sports clinic na makakatulong para sa kasanayan ng mga kabataan sa larong volleyball.
“We stay in the community for how many days. We train the coaches and the players, but at the same time, we socialize with the people in the community,” pahayag pa ni Coach Tiammy.
Isa pang layunin ng Spike and Serve ay ang paglikha sa mga komunidad ng mga magiging future volleyball coaches at players kung saan nakatuon sila sa paggamit ng sports na ito para makatulong sa iba.
Bilang bahagi ng mga gabay at prinsipyo ng organisasyon, naniniwala din si Coach Tiammy na ang pagbuo ng karakter ng mga bata sa pamamagitan ng volleyball sa kanilang murang kaisipan ay isa sa pinakamahalagang bagay na magagawa niya para humubog ng mga responsableng mamamayan sa komunidad sa pamamagitan ng sports.
“Spike and Serve is very intentional regarding values formation. We incorporate character building and values formation into them. We always ensure that we teach volleyball skills and instill good values through the sport because we want them to become better individuals on and off the court. We also believe that while they are still young, we can impart to them the importance of sport and its benefits,” pagbabahagi pa ni Coach Tiammy na kasalukuyang naglalaro para sa Petro Gazz Angels.
Idinagdag pa niya na ang volleyball ay isa sa mga makapangyarihan at nangungunang sports sa bansa. Maaari itong gamitin para pagsama-samahin ang mga komunidad para magturo ng volleyball at magbahagi ng kwento ang mga grassroots kung paano nagsimula ang kahiligan ng marami ang volleyball at kung ano pa ang maaari nilang maiambag sa hinaharap.
Bukod sa pagtuturo ng ng volleyball, ang Spike at Serve ay nagho-host din ng taunang Thanksgiving event para sa mga kapus-palad na mga kababayan natin sa mga remote areas at ito ay tinatawag din nilang Araw ng Pasasalamat.
Kasama sa programa ng SSPI sa pagtatapos ng taon ang pamamahagi ng tulong kung saan ang mga tao sa komunidad ay nagsasama-sama para sa isang volleyball tournament at fellowship.
Sa event na ito, ang mga benepisyaryo ng Spike at Serve mula sa iba't ibang lungsod at probinsya ay nagtitipon-tipon at nakikipaglaro sa bawat isa.
Ang mga natutulungan ng SSPI ay buong pusong nagpapasalamat sa pangunguna ni Coach Tiammy dahil sa mga kontribusyon ng mga ito sa lipunan lalo na pagdating sa aspeto ng paghuhubog ng moral at ugali ng mga kabataan at muli nila itong aabangan ang mga plano pa ng Spike and Serve sa mga susunod na taon nito.
“We have tournaments and coaches' seminars and workshops that we plan for next year. Part of it is the GDP tournaments in different municipalities and Ikot Pinas in Mindanao. Our current programs are still ongoing. We are still working with different sectors. That's what we are looking forward to next year,” pagtatapos ni Coach Tiammy.