Exclusive: NLEX DeQuan Jones, hinubog ng karanasan sa Philippine Basketball

Rico Lucero

Hindi nagkamali ng pagrerekomenda si Kiefer Ravena kay NLEX Road Warrior coach Jong Uichico para mapabilang sa kanyang koponan si American basketball player DeQuan Jones sa nalalabing bahagi ng PBA Season 49 Governors’ Cup. 

Bago mapabilang sa NLEX, si Jones ay naging teammate ni Ravena sa Shiga B. League team noong nakaraang season. Siya rin ang pumalit kay Myke Henry na nagkaroon ng injury.

Kahit wala pang naging karanasan si Jones na maglaro sa anumang koponan sa bansa, hindi siya nagkaroon ng malaking adjustments upang pag-aralan ang galawan at uri ng paglalaro ng basketball sa Pilipinas. 

Sapagkat inihayag niyang nakakatuwang maglaro sa bansang tunay na nagmamahal at gumagalang sa larong basketball.

“The Philippines is a great place,” saad ni Jones sa isang exclusive interview ng Laro Pilipinas. “I can tell the love for the game is deeply rooted in the culture and in the people. It has been a fun experience so far.”

Nang mapabilang sa koponan ng Road Warriors ay nagpakitang gilas agad si Jones at ang nakakapasong performance nito ang naging dahilan kung kaya umabot sila sa Governors’ Cup quarter finals ngayong taon. Kahit mahirap ang kanilang mga nasagupa sa elimination round hanggang quarter finals ay pinilit nilang tapusin ang kanilang nasimulan. 

Habang isinusulat ang artikulong ito, nabigo na ang NLEX na makuha ang panalo kontra sa TNT at makuha ang semifinal spot. Nanaig ang firepower ng Tropang Giga nang tambakan nila ang Road Warriors, 125-96, sa Game 4 ng kanilang laban.

“I think to some extent they didn't beat us. We beat ourselves with turnovers.  I think that speaks to what type of talent and what kind of team we have. I don't think they beat us. I think we beat ourselves,” saad ni Jones.

Hindi man nakausad sa semis ang NLEX, pinuri pa rin ni Jones ang kanyang teammates. Aniya, sa kabila ng kanilang kinaharap ay ginawa pa rin nila ang kanilang buong makakaya para itaguyod ang laban hanggang sa dulo. 

Hindi rin nakalimutan ni Jones na ipagmalaki ang kanyang relasyon sa kanyang mga kasamahan sa koponan at nagbigay din siya ng papuri sa kanilang head coach na si Jong Uichico.

“Our relationship is really good. Coach Jong as a coach, his skill set, he does a great job with keeping everybody poised,” paglalahad ni Jones patungkol kanilang coach.

“He does a great job regardless of what the circumstances are. Keeping everybody focused. Keeping everybody engaged. I think that's a testament to his experience and his tenure as head coach.”