Converge, tinambakan ang Terrafirma sa pagsisimula ng PBA Commissioner's Cup

Rico Lucero
Photo Courtesy: PBA

Tinambakan ng Converge FiberXers ang Terrafirma Dyip, 116-87, sa pagsisimula ng PBA Season 49 Commissioner’s Cup nitong Miyerkules ng gabi sa Philsports arena, Pasig City. 

Matinding depensa ang pambungad na ipinakita ng Converge kontra Terrafirma.

Sa simula pa lang ng unang quarter ng laro ay nagpakawala na agad ng sunod-sunod na puntos sina Justin Arana at first-time PBA import Cheick Diallo, kung kaya naging malayo agad ang kalamangan ng FiberXers sa Dyip, 23-10 sa oras na 2:52. 

Gayundin ang ginawa ng Converge sa second quarter kung saan mas pinaigting pa nila ang kanilang mahigpit na depensa at sumandal sa sunod-sunod na rebound na ipinamalas ni Schonny Winston.

Napanatili ng FiberXers ang kanilang kalamangan hanggang sa ikatlong quarter hanggang sa huling yugto ng laro.

Nanguna sa panalo ng Converge si Diallo na nagtala ng 25 points, 16 rebounds,  dalawang assists, at tig-isang steal at block, habang 16 points at 12 rebounds naman ang nai-ambag ni Arana at nagdagdag ng 12 puntos si Bryan Santos.

Itinanghal bilang best player of the game si Mike Nieto na mayroong 11 puntos kabilang ang 3-of-4 shooting sa three-point line, dalawang rebounds at isang assist.

Ayon kay Converge coach Franco Atienza, naging kuntento at masaya siya sa naging resulta ng kanilang laro sa pagbubukas ng Commissioner's Cup.

“More than the win, we look at the process, we look at how we played today. It’s just a good overall game for us,” ani coach Atienza.