Carlos Yulo at iba pang atleta, pinarangalan sa PSA Awards Night

Naging matagumpay ang taunang Awards Night na inorganisa ng Philippine Sportswriters Association o PSA kagabi, Enero 27, sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Tampok sa taunang Awards Night ay ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging atletang Pilipino na nagbigay ng karangalan sa bansa lalo na sa mga nagdaang Olympic Games noong 2020 sa Tokyo at 2024 sa Paris.
Ang naturang awards Night ay may temang ‘Golden Year, Golden Centenary.’
Pormal namang iginawad kay gymnast athlete Carlos Yulo ang Athlete of the Year award kung saan nagkamit ito ng dalawang gintong medalya matapos ang impresibong kampanya nito sa 2024 Paris Olympics.
Mahigit sa isang daang awardees ang pinarangalan sa taong ito ng PSA kung saan ilan sa mga atletang ito ay sina boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na nakatanggap ng President’s Award. Ang dalawa ay nagkamit ng bronze medals sa katatapos na 2024 Paris Olympics.
Bukod kina Petecio at Villegas, tumanggap din ng pagkilala ang mga kampeon ng billiards sa pangunguna ni Rubilen Amit, kasama sina Johann Chua, Carlo Biado at AJ Manas.
Binigyang parangal din ang mga paralympian ng bansa na lumahok sa 2024 Paris Paralympic Games gaya nila Agustina Bantiloc (archery), Jerrold Mangliwan (athletics), Ernie Gawilan (swimming), Angel Otom (swimming) at Allain Ganapin (Taekwondo).
Nagkaroon din ng kinatawan ang bawat batch ng Olympians sa nakalipas na 60 taon para na suportado ng Philippine Sports Commission, at ng Philippine Olympic Committee.
Samantala, nasa sampung sports personalities din ang tumanggap ng special citation habang pitong kabataan naman ang nabigyan ngng Tony Siddayao Awards.
Ayon kay PSA President Nelson Beltran, nagpasalamat ito sa lahat ng atletang Pilipino na buong kasiyahang nagsakripisyo at nagbigay pag-asa at inspirasyon para sa karangalan ng bansa.
“Gratification and sacrifice in hope to inspire and shine a light for the nation. And again, thank you,” ani Beltran.
Layunin ng mga ganitong aktibidad ay para magbigay ng parangal sa mga atleta na nagpapatuloy upang ikarangal ng bansa, at upang magsilbing inspirasyon para sa lahat ng naghahangad na maging future athletes.
