Boxing: TKO win nasungkit ni Wonder Boy vs. Tostado ng Mexico

Rico Lucero
photo courtesy: Viva Promotions

Tinapos agad ni Carl Jammes “The Wonder Boy” Martin sa fifth-round ang laban kontra kay Juan Tostado ng Mexico. 

Knockout ang inabot ng kanyang Mehikanong kalaban sa kanilang super-bantamweight contest noong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa Tijuana, Mexico.

Nanawagan na ang referee ng mercy stop sa laban matapos ibagsak ni Martin si Tostado sa pamamagitan ng sunud-sunod na suntok sa ulo.

Nagawa pa ni Tostado na bumangon, ngunit pinigilan na ng referee ang sagupaan, na nagbigay-daan na sa Filipino southpaw na itaas ang kanyang rekord sa 25-0 na may 20 knockouts.

Dahil dito, tiniyak di ng tubong-Ifugao na mananatili ang kanyang world rating at ang kahanga-hangang tagumpay ay maaaring mapataas pa ni Martin para sa nangungunang contender mula No. 2 sa World Boxing Organization (WBO) na nasa top five mula No. 7 sa International Boxing Federation (IBF).

Ang tagumpay ni “Wonder “Boy” laban sa mehikanong boksingero ay ang pangalawang laban ni Martin sa labas ng Pilipinas matapos lumipat mula sa kanyang homebase sa Lagawe, Ifugao.

Samantala, si Tostado naman ay mayroon nang boxing record na 27-15-1 win-loss-draw kung saan 10 sa mga panalo nito ay mga knockouts.

Magugunitang nitong buwan ng Setyembre nang matalo din ni Martin ang Mexican boxer na si Anthony Jimenez Salas sa pamamagitan ng knockout.