Boxing: Mike “Magic” Plania nakuha ang 3rd round TKO win vs. Colombian boxer

Rico Lucero
photo courtesy: Pro Box TV

Sunod-sunod na suntok sa sikmura at mukha ang naging susi sa panalo ni Pinoy boxer Mike “Magic” Plania laban sa beteranong Colombian boxer na si Deivi “El Cabo” Julio sa pamamagitan ng third round technical knockout sa kanilang eight-round featherweight non-title bout nitong Linggo sa Miccosukee Indian Gaming Resort sa Miami, Florida, USA. 

Nahirapan nang makabawi sa kanyang pagkakaluhod ang Colombian boxer dahilan kung kaya tuluyan nang sumenyas ba ang referee na itigil ang laban upang makamit na ni Plania ang ikalawang sunod na knockout victory sa nalalabing 36 segundo.

Sa pagsisimula ng laban ay naka-iskor si Plania ng first-round knockdown sa oras na 1:09 matapos mahilo ang kalaban dulot ng right hook na sinundan ng tatlong sunod na kombinasyon para sa unang knockdown. 

Matatandaang nakuha rin ni Plania ang panalo laban kay Nicaraguan journeyman Martin “El Gato” Diaz matapos ang impresibong first-round knockout kamakailan, para na rin makabawi sa hindi magandang simula ng laban ngayong taon kasunod ng third-round knockout sa kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) titleist Angelo “El Chinito” Leo nitong Enero.

Tatlong magkakahiwalay na pagkatalo din ang nalasap nito kontra Ra’eese Aleem sa unanimous decision at Elijah Pierce sa third round knockout noong Agosto 2023.

Dahil naman sa panalo ni Plania ay umangat sa 31-4 ang kanyang kartada kasama ang 18 KOs, habang nalasap ni Julio ang ikalawang dikit na pagkatalo at bumagsak ang record sa  28-17 win-loss kung saan 17 sa mga panalong ito ay mula sa KOs.