10 medalya nasungkit ng Pilipinas sa 2024 Korea Open Sambo Championships

Rico Lucero
photo courtesy: PSC/fb page

Dahil sa di matatawarang karanasan at husay sa sports na Sambo, nakasungkit ng gintong medalya sina six-time world medalist Sydney Sy-Tancontian at 2024 Asian Championships double silver medalist Aislinn Yap kabilang ang iba pang Sambo athletes sa katatapos na 2024 Korea Open Sambo Championships nitong nagdaang weekend na inorganisa ng Korean Sambo Federation at International Sambo Federation (FIAS).

Nadepensahan ni Sy-Tancontian ang kanyang korona sa ilalim ng women’s +80kgs category para masundan ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas at Southeast Asian region, samantalang dalawang gintong medalya naman ang nasungkit ni  Yap para sa dalawang magkaibang category - Women's -80kgs (Combat Sambo) at Women's -80kgs (Sports Sambo).

Ang paglahok na ito ng Pilipinas Sambo national team ay bahagi na rin ng tune-up para naman sa World Championships sa Nobyembre 8-10 na isasagawa sa Astana, Kazakhstan.

Bukod kina Sy-Tancontian at Yap, nakasungkit din ng medalya sina Jeniva Consigna, na nakakuha ng gold medal sa women’s under-65kgs, Jomary Torres na mayroong gold medal para sa Women's -50kgs, Mariah Albert Lua na nakakuha din ng gold medal para sa women’s under-72kgs category, Robin Catalan, na nakakuha ng silver medal under Men's -64kgs category, Grace Gangan silver medalist under Women's -80kgs category, Aumaegel Princess Cortez na nakakuha ng bronze medal para sa Women's -59kgs category, at si Edemel Catalan, na nanalo ng bronze medal  para sa Men's  -58kgs category. 

Ayon kay Pilipinas SAMBO Federation Inc. (PSFI) President Paolo Tancontian, talaga aniyang pinaghandaan nila ang kumpetisyong ito para manlo ng medalya at malaki na rin aniya ang naging improvement sa performance ng kanilang mga atleta ngayon kumpara noong nakaraang taon. 

“I consider this a good performance from our athletes compared to last year because we improved a lot in terms of medals we obtained. Our national team prepared well for this tournament. They improve greatly on this tourney and we hope to see them perform well in the next competitions,” ani Tancontian.

Sinabi pa ni Tancontian, na hindi sila nasasapatan sa improvement na meron sila ngayon at patuloy din nilang pinag-aaralan ang mga proseso ng sports dahil nasa ibang level na ang Asia pagdating sa ganitong uri ng sports.

“However, we still have a lot of room for improvement. Every day is a learning process because Asia is considered a world-class level at malakas talaga ang laban dito. Definitely, mapapalaban tayo ng husto sa Worlds,” dagdag ni Tancontian.