Melvin Jerusalem, target ang KO victory kontra Shigeoka ng Japan

Matapos maangkin ang OBPF Bantamweight title ni Kenneth Llover, layunin naman ng reigning World Boxing Council (WBC) minimumweight champion na si Melvin “Gringo” Jerusalem na maipakita sa sambayanang Pilipino ang kanyang husay at galing sa kanyang title rematch laban sa dating kampeon na si Yudai Shigeoka sa Linggo, Marso 30, sa Aichi Sky Expo sa Nagoya, Japan.
Ayon sa head trainer ni Jerusalem na si Michael Domingo, nasa kondisyon na ito upang labanan ang pambato ng Japan. Puspusan din ang ginagawang paghahanda ng two-time world titlist, na ilang libra na lamang ang akinakailangang ibaba upang makuha ang 105-pound weight limit.
“Mga three pounds over na lang si Melvin. Halos perpekto na ang kondisyon ni champ,” ani Domingo. “May anim na araw pa, kaya dahan-dahan naming kukunin ang timbang para mas maganda ang kanyang kondisyon.”
Malaking tulong din sa paghahanda ni Jerusalem ang mahabang sparring sessions na umabot sa 110 rounds, kabilang ang matinding 14-round na laban kontra sa boxing prospect na si Alex Del Rio. Nakipag-sparring din siya sa mga kinakailangang southpaw na sina Joebert Dacullo ng Bohol at ang Philippine-based Japanese boxer na si Kiyoto Narukami. Bukod pa rito, nakasama rin niya sa training ang International Boxing Federation (IBF) No.1 junior flyweight contender na si Christian “The Bomb” Araneta sa Omega Boxing Gym.
Samantala, aminado ang kampo ni Jerusalem na magiging mas handa ang Japanese boxer sa laban, lalo na’t natikman na nito ang bangis ng suntok ng Pinoy fighter. Bukod dito, nagawa rin nitong gulpihin ang matikas at palabang Mexican boxer na si Luis Angel Castillo, na dinomina niya nang husto noong Setyembre 22, 2024.
Hangad ng kampo ni Jerusalem na matagpuan ang knockout punch sa kanilang susunod na laban, matapos niyang mapatumba si Shigeoka ng dalawang beses sa third round gamit ang counter straight, at muling tamaan ng kanang straight sa sixth round.
“Malaki ang tsansa na ma-knockout namin si Yudai kasi may target na kami sa kanya. Sana ma-timingan namin nang hindi na siya makatayo. Pero sakaling umabot ito ng 12 rounds, sisiguraduhin namin na lamang kami sa bawat round,” paliwanag pa ni Domingo.
