Kevin Quiambao, maglalaro pa rin sa Gilas kahit abala sa KBL

Matapos maitala ang kanyang career-best na 36 puntos sa kanyang unang panalo ng Sono Skygunners sa Korean Basketball League, hindi isinasantabi ni Kevin Quiambao ang paglalaro nito sa Gilas Pilipinas.
Prayoridad pa rin ni Quiambao ang maglaro sa Gilas kahit na mayroon itong nagpapatuloy na laro, kung saan kabilang ito sa koponan na Goyang Sono Skygunners sa KBL.
Ito ang tiniyak ni GIlas Pilipinas team manager Richard Del Rosario, na aniya ay darating sa bansa si Quiambao sa Pebrero 12 at makakasama nila sa byahe patungong Doha Qatar sa Pebrero 13.
“KQ will arrive on February 12 and will fly with us to Doha on February 13. As far as I know, he’ll be able to play in the February window,” sabi ni Del Rosario.
Inaasahan namang si Quiambao ang papalit sa pwesto na naiwan ni Kai Sotto na nagkaroon ng torn ACL at patuloy na nagpapagaling habang isinasagawa ang therapy at rehabilitasyon sa kanyang na-injured na kaliwang tuhod.
Magsisimula ang torneo sa Pebrero 14 hanggang 16 kung saan makakalaban ng Pinoy squad ang Qatar, Egypt at Lebanon.
Matapos ang Doha tournament, agad na babalik ang Gilas Pilipinas sa Maynila.
Sa susunod na window ng FIBA Asia Cup Qualifiers for 2025, makakasagupa ng Gilas ang Taipei sa Pebrero 20, sa Taipei Heping Basketball Gymnasium, bago sundan ng pakikipag harap nito muli sa New Zealand sa Pebrero 23 sa Auckland Spark Arena.
Magugunitang matapos walisin ang unang dalawang windows, naging kwalipikado na ang Pilipinas para sa Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia mula Agosto 5 hanggang 13. Ang Gilas Pilipinas ay kasalukuyang number 1 spot ng Group B na may 4-0 win-loss record.
Samantala, tiniyak naman ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na bago naman ang kanilang laban sa Pebrero 13, ay nakatakdang sumailalim sa training camp ang koponan para paghandaan ang mga napipinto nitong mga laban.
“It’s going to be really tough. It’s going to be really hard on the players, all the travel going to Doha back to Manila, and then to Taiwan and then over to Hong Kong I think it is, and then down to Auckland,” ani Cone.
Positibo din ang pananaw ni Cone sa mga karanasang ito ng Gilas Pilipinas at magandang pagkakataon ito para masanay ang koponan sa ganitong uri ng sitwasyon na maaari pa nilang maranasan sa mga susunod nilang laban.
“We’ll be doing a lot of travel in about less than eight or nine day-time. But we wanted hard. That’s the whole point because this is about prep,” dagdag pa ni Cone.
