EASL: Meralco Bolts target makuha ang pwesto sa Final Four

Matapos ang pagkatalo sa Ryukyu Golden Kings, nakatuon ngayon ang pag-asa ng Meralco Bolts na makakuha ng spot sa Final Four sa East Asia Super League or EASL.
Haharapin ng Bolts sa Pebrero 12 ang New Taipei Kings sa kanilang una at tanging EASL meeting ngayong season, sa isang crucial must-win scenario sa Xinzhuang Gymnasium.
Sa pagkakataong ito, isang koponan na lamang ang maaring makakuha ng pwesto sa Group B sa Final Four ngayong taon.
Maaaring magkaroon ng kaunting bentahe ang Meralco sa laban, dahil napilitang umalis ang star ng New Taipei Kings at dating NBA standout na si Jeremy Lin sa laro ng kanyang koponan noong Enero 21 laban sa Busan KCC Egis dahil sa tinamo nitong right hamstring injury.
Gayunpaman, sa kabila ng katayuan ni Lin, may inaasahan namang labanan sa frontcourt sa pagitan nina Akil Mitchell ng Meralco at Jason Washburn o Austin Daye ng New Taipei.
Target din ng Bolts na maging unang PBA ballclub na makakuha ng pwesto sa Final Four sa EASL na sa kasalukuyan ay may 2-3 win-loss record sa team standings.
Samantala, dahil naman sa naging panalo ng Ryukyu Golden Kings noong Miyerkules, Enero 22, nakuha na nito ang No. 1 spot sa Group B, kung saan mayroon itong 5-1 win-loss record.
