Villegas inalay ang panalo sa kapwa PH Olympians

Rico Lucero
PHOTO COURTESY: SPORTS, INQUIRER.NET

Tiwala si Aira Villegas na wala nang malalagas na boxer athlete ang bansa sa Paris Olympics.

Ito ang kaniyang naging pahayag matapos na matalo nito ang Algerian boxer sa women’s 50kg class.

Sinabi ni Villegas na naging malaking tulong sa kaniyang pagkakapanalo ang kaniyang mga coach dahil pinalalakas aniya nito ang kaniyang loob kung kaya’t naging matapang siya sa mga laban.

Kumpiyansa din aniya ang kaniyang mga coach sa kaniya na maipapanalo niya ang kaniyang laban.

“'Yung kumpiyansa siyempre tulong din ng coaches ko. Sa tulong din ng coaches ko, iba din talaga 'yung feeling na 'yung coaches mo buo 'yung loob. Nasasama ka eh, tumatapang ka din,” ani Villegas.

Naging determinado rin si Villegas na manalo para sa mga kasamahan niyang natalo sa laban

“Sabi ko kailangan ko i-panalo ito, hindi lang para sa akin, siyempre para dun sa mga kasamahan ko,” dagdag pa niya.

Bahagi pa rin ng birthday wish ni Aira ay ang maipanalo ang susunod niyang laban kontra French boxer at higit sa lahat ang makapag-uwi ng medalya ang Philippine Team.

“Natupad na rin naman 'yung una [na wish] pero siyempre, 'yung pinaka-wish ko pa is maka-sungkit tayo ng medalya,” pagtatapos ni Villegas.