UFC: Comeback fight ni Mark Palomar, hindi pinalad vs. Chinese fighter

Rico Lucero
photo courtesy: dugout

Hindi pinalad na manalo si Mark ‘The Wolf’ Palomar sa kanyang comeback fight kontra Chinese opponent at nakalasap pa ng knockout loss nitong Sabado ng gabi sa Universal Reality Combat Championship (URCC) Fight Night sa Octopus Bar sa Makati.

Bumulagta ang Pinoy fighter sa second-round matapos ang kombinasyon ng sunod-sunod na upak sa mukha mula sa dayuhang kalaban. Sinundan ito ng solidong kanang suntok kaakibat ang sandamakmak pang mga banat upang mapilitang itigil na ng refererr ang laban para iligtas siya.

Nanatili namang mapagkumbaba ang Chinese fighter kung saan  pinuri nito ang katatagan at kahusayan ni Palomar sa laban na nasadlak sa kanyang ikaapat na talo pagkatapos ng huling laban nito noong Enero 2020.

“I love the Philippines, I hope China and the Philippines will be good friends in the future, thank you,” saad ni Tang.

Ibinida rin ni URCC Founder Alvin Aguilar ang kahusayan ng Pinoy pagdating sa mixed martial arts at ang pananatiling solido ng samahan ng ‘Pinas at China sa palakasan, lalo na sa MMA. Patuloy aniyang ibinubuhos ng bawat URCC fighters ang lahat ng makakaya upang mapanatiling kagiliw-giliw at kapanapanabik ang mga bakbakan.

“That is the reason why we are Asia’s most exciting MMA promotions, kasi all the fighters here come to fight. Kahit basag na yung mukha ni Palomar, game pa rin siya,” ani Aguilar.