UAAP: La Salle at UP muling magsasagupan sa Men's Basketball Finals
Muling magtutunggali ang La Salle Green Archers at UP Fighting Maroons upang makuha ang korona sa UAAP Season 87 men's basketball Finals.
Matatandaan noong Season 86 ay nakamit ng DLSU ang championship trophy laban din sa Unibersidad ng Pilipinas.
Gustong maulit ng Green Archers ang kanilang tagumpay sa pangunguna ng soon-to-be crowned two-time MVP na si Kevin Quiambao, habang nais namang makabawi ng Fighting Maroons.
Ito pa lamang ang ikatlong pagkakataong magkakaharap ang dalawang koponan sa post-elimination sa Final Four era.
Una silang nagkatagpo sa Season 84 kung saan pinangunahan ng liderato ni coach Goldwin Monteverde sina Carl Tamayo at Malick Diouf ang UP upang talunin ang Justine Baltazar-led na DLSU sa semifinals, kung saan nakakuha ang Fighting Maroons ng unang kampeonato simula pa noong 1986.
Makalipas naman ang dalawang taon, sumandal ang Green Archers sa mentorship ng bago nilang coach na si Topex Robinson at tinulungan nito ang koponan na makuha ang tropeo sa loob ng tatlong laro.
Sa head-to-head match-up ng dalawang coaches, lamang si Robinson na may 5-2 win loss record laban kay Monteverde.
Bukod sa labanan ng mga coaches, magtutunggali rin ang former Gilas Pilipinas Youth players na sina Raven Gonzales (dating Cortez) ng La Salle at Terrence John Fortea ng UP.
Nagkasama sila Fortea at Gonzales sa Philippine team na nanalo ng gold medal sa 2017 Southeast Asian Basketball Association o SEABA Under-16 Championship at nakakuha ng fourth place sa 2017 FIBA Under-16 Asian Championship.
Magsisimula ang best-of-three finals series ng UAAP men's basketball sa Linggo, December 8 sa Smart Araneta Coliseum at ang Game 2 naman ay gaganapin sa Miyerkules, December 11, sa Mall of Asia Arena.
Kung sakaling magkaroon ng Game 3, muli itong gaganapin sa Big Dome sa susunod na Linggo, December 15.