Toxic environment may malaking epekto sa performance ko - Sarno
Bagaman sinubukan ni Pinay weightlifter Vannesa Sarno na iangat ang Pilipinas sa kanyang unang pagsabak sa Olympics hindi niya ito nagawa.
Aminado ang Pinay weightlifter na nakakaapekto sa kanyang performance ang mga pinagdaanan nitong frustrations dahil umano sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
Ito ay dahil sa ibang coach umano ang ibinigay at nakasama niya simula pa lang sa training camp hanggang sa mismong Olympics.
"'Yung coach po na kasama ko po nung sa Metz training ay hindi po si Coach Pep [na] siya pong gumagabay sa akin, nagga-guide, at nagtitiwala po na nagpupush na kaya ko mag-Olympics," ani Sarno.
Bagaman hiniling niya ang makasama sa training at sa Olympics ay ang long time mentor na si Richard ‘Pep” Agosto subalit hindi ito napagbigyan
Binanggit pa ni Sarno na malaki ang naging papel ni Agosto sa tagumpay niya sa IWF World Cup kung saan nag-qualify siya sa Paris Olympics.
Inihayag pa ni Sarno na tila ayaw ng mga taong nakapalibot sa kaniya na magtagumpay siya sa Olympics.
"Hindi ko na po kinakaya 'yung mga tao na parang ramdam ko na ayaw nila na ando'n ako, ramdam ko na gusto nilang ma-down ako. Sobrang hirap po 'pag ando'n 'yung nasa paligid mo. Hinihiling po talaga. na malakas 'yung mentality mo." dagdag pa ni Sarno
Samantala determinado si Sarno na babawi ito sa susunod na Olympic Games sa 2028.
Matatandang hindi pinalad si Sarno na makapag-uwi ng medalya sa Paris Olympics dahil sa pagkabigong mabuhat ang 100kg sa snatch pa lamang kahit pa tatlong beses itong sumubok.
Dahil sa hindi nakayanan ang bigat ng naturang timbang ay hindi na nakapagpatuloy sa clean and jerk si Sarno.