Terrafirma Dyip, dismayado sa pagkatalo vs. Converge

Jet Hilario
Photo courtesy: inquirer.net

Dismayado ang koponan ng Terrafirma sa nangyari sa kanilang pagkatalo laban sa Converge nitong martes kung saan nadomina sila nito sa score na 127-95. 

Hindi rin ito ang simula na gusto ng Terrafirma, ang nangyari sa kanila ay hindi pangkaraniwang pagkatalo sapagkat inaasahan ng koponan na sapat ang kakayahan nina Christian Standhardinger at Stanley Pringle na pangunahan ang Dyip nitong Martes. 

Subalit kabaligtaran ang nangyari nang mabigo ang dalawang manlalaro ng Terrafirma na makuha ang panalo sa kani-kanilang mga debut para sa squad, si Stanley Pringle nakapagtala ng 19 puntos, apat na rebound, at pitong assist, habang si Christian Standhardinger naman ay may 17 puntos at anim na rebound.

Ang koponan ng Dyip ay umabot sa quarterfinals ng nakaraang season ng PBA Philippine Cup kung saan nagpadala pa ito ng finalist na San Miguel sa isang do-or-die ballgame.

Inamin ni Juami Tiongson na ang naging problema ay ang chemistry sa pagitan ng mga manlalaro lalo na ang naging pagpasok ni Antonio Hester, na sumali sa koponan noong Lunes upang palitan si Brandon Lee Edwards, na nagtamo ng injury.

“Kasi we are figuring it out in our practice games bago ma-injure si Brandon. Dumating si Hester, at hindi niya kasalanan. Dumating siya Monday na, hindi siya nakapag-practice ng Monday. Basically, nakapag-practice lang siya Tuesday. Kailangan lang talaga ma-figure out 'yung chemistry namin at spacing namin. Talagang 'yung spacing namin, pangit. Kahit pangit yung offense namin, 'yung defense namin, pangit talaga. Hindi kami in sync with each other. Hindi namin napapasok kung ano 'yung gusto ng isa't isa,” ani Tiongson.

Ang Terrafirma ay isa nang team in transition bago pa man pumasok si Hester. Nawala sa Diyp ang Rookie of the Year na sina Stephen Holt at promising big man na si Isaac Go matapos silang ibigay sa Barangay Ginebra kapalit nina Standhardinger at Pringle.