Tatlo pang medalya nasungkit ni Lovely Inan sa IWF World Junior Championships
Karagdagang tatlong medalya pa ang nahakot ng Pilipinas sa ginaganap ngayong International Weightlifting Federation (IWF) World Junior Championships sa Spain.
Nakuha naman sa pagkakataong ito ni Lovely Inan ang dalawang gintong medalya at isang silver medal para sa sa women’s 49-kilogram event.
Nanguna si Inan sa kanyang event na may kabuuang lift na 179kg, kung saan nalampasan nito si Karoll Dahyanne Lopez Alvarez ng Colombia na nagtala lamang ng lift na 178kg at si Lucia Gonzalez Borrego ng Spain na mayroong kabuuang lift na 170kg.
Nasungkit din ni Inan ang ginto sa clean and jerk sa 100kg effort at nakakuha ng silver medal sa snatch na may 79kg lift. Sa ngayon, mayroon nang apat na gintong medalya at dalawang silver medals ang bansa sa pamamagitan nina Angeline Colonia at Lovely Inan.
Samantala, bigo naman sina Rose Jean Ramos (women’s 49kg Category B) at Eron Borres at Prince Kiel Delos Santos (men’s 55kg) sa kani-kanilang event.
Subalit may pagkakataon pa ang Pilipinas para maka-angkin pa ng mas maraming medalya kung saan nakatakdang lumaban sina Jodie Peralta sa women’s 55kg event at Albert Ian Delos Santos para sa men’s 67kg division.