Simple ngunit makabuluhang heroes welcome inihanda ng Malakanyang

Jet Hilario
Photo Courtesy: PTV

Naghanda ang Malakanyang ng isang simple ngunit makabuluhang heroes’ welcome para sa 22 mga atletang Pilipino na pauwi na ng bansa ngayong Martes mula sa Paris Olympics. 

Ayon kay Reichel Quiñones, Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs, inilarawan nito ang heroes welcome ng Palasyo para sa mga atleta bilang 'simple ngunit makabuluhan.''

Pangunahing  haharap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang ay si two-time gold medalist Carlos Yulo, ang dalawang Pinay boxer na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas at maging ng iba pang Filipino Olympians. 

Dito na rin ipagkakaloob ng Pangulo ang mga cash incentives na inilaan ng Palasyo sa mga atletang nagkamit ng medalya sa Paris Olympics. 

Samantala, pagkatapos ng heroes welcome ay isasagawa naman ang heroes parade sa hapon ng Miyerkules na magsisimula sa Pasay City. 

Sinabi ni Quinones na ang motorcade ay magsisimula sa Aliw Theater hanggang sa Rizal Memorial Sports Complex. 

Inilahad din ni PCO Assistant Secretary Dale De Vera ang magiging ruta ng parada. 

"The parade will start from Aliw Theater, left turn to Roxas Boulevard and then, right turn to P. Burgos straight ahead to Finance Road, until it reaches Taft Avenue, then right turn to Quirino Avenue up to Adriatico Street, and it will end up in the Rizal Memorial Sports Complex,"  ani De Vera.

Matatandaang nasungkit ng Pilipinas ang 2 gold at 2 bronze medals sa pamamagitan ng pagkakapanalo ni gymnast Carlo Yulo at ang dalawang Pinay boxer na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas. 

Dahil dito, nakuha ng Pilipinas ang ika 37 pwesto sa overall ranking sa katatapos na Olympic Game kung saan mayroong 4 na medalya ang bansa mula sa Paris Olympics.