PVL: Foxies, napigilan ang ikatlong panalo ng Thunderbelles
Napigilan ng Foxies ang balak ng Thunderbelles na makuha ang pangatlong panalo sa kanilang pag-arangkada nitong Huwebes ng hapon, December 5, sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumanat agad si Trisha Tubu ng ng 28 points mula sa 27 attacks at isang block para igiya ang Foxies sa 26-24, 13-25, 25-21, 25-19 kontra Thunderbelles, umiskor din si Alyssa Bertolano ng 12 markers bukod sa 12 excellent spikes at 12 excellent serves para sa Foxies.
Ayon kay Trisha Tubu, naging susi ng kanilang panalo ay ang kanilang ‘Teamwork’ na kahit aniya nagkaroon ng mga lapses ay nalampasan at nabawi nila agad ito.
“Nag-work ‘yung teamwork namin. May konting lapses, pero mabuti at naibalik namin ‘yung laro. Lahat ng lapses namin, inaayos kaagad sa training. Meron pa mga konti, pero wino-work pa po namin para sa mga next game, hindi na mangyari," ani Tubu.
Idinagdag pa ni Tubu na masaya siya at nakikita niya ang kanyang sarili na may progreso dahil na rin sa tulong ng kanyang head coach kung kaya naman ito ay kanyang ipinagpapasalamat.
"Thankfully, nakakapag-contribute ako sa team kaya alam ko marami pang kulang so wino-work on ko ‘yun araw-araw. Si coach Boc kasi talaga, every day pinu-push niya po ako so ‘yung challenge na ‘yun talagang inaccept ko, niyakap ko lang. Thankfully, nagagawa ko ‘yung role sa team ngayon.” dagdag pa ni Tubu.
Samantala, pinangunahan naman ni No. 1 overall pick Thea Gagate ang Thunderbelles sa kanyang 16 points mula sa 12 attacks, tatlong blocks at isang service ace.
Nakatabla pa ang ZUS Coffee sa 1-1 bago naagaw ng Farm Fresh ang third set, 25-21, sa pangunguna nina Tubu at Bertolano.
Naging dikit din ang score ng Thunderbelles, 14-14 sa third frame, ngunit humataw ang Foxies ng 10-4 atake para makuha ang 24-18 bentahe.
Ang service error ng rookie middle blocker na si Sharya Ancheta ng ZUS Coffee ang siyang nagresulta naman sa atake ni Tubu para sa maipanalo na ng tuluyan ang Farm Fresh.
Samantala, magtutungo naman ang PVL sa Cebu ngayong araw, December 6, para sa laban ng Cignal HD (3-0) at Nxled (0-4) at laro ng Capital1 Solar Energy (1-3) at Galeries Tower (0-4) na isasagawa sa Minglanilla Sports Complex.