PSC mananatili ang suporta sa iba’t ibang larangan ng palakasan

Jet Hilario
photo courtesy: PSA/fb page

Tiniyak ni Philippine Sports Commission Chair Richard Bachmann na tuloy-tuloy ang magiging  suporta ng PSC na  kanilang ibibigay sa mga Filipino boxing athlete ng bansa sa kabila nang nanganganib ito na hindi na maisama sa 2028 LA Olympics. 

Ayon kay Bachmann, mananatili ang suporta ng PSC sa mga Filipino boxing athlete, katunayan, tuloy tuloy pa rin ang pagsasanay at paghahanda nila sakaling may parating na mga international competition na maaari nilang salihan. 

“...ah yes po. as long as they have the best, in here or in abroad, we’ll support po,” ani Bachmann.

Samantala, nagkaroon si Bachmann  ng pagkakataon na mapanood ang mga kumpetisyon  sa katatapos na Paris Olympics at napansin nito na walang representante ang bansa  sa mga sports katulad ng javelin throw, discus throw, at speed climbing. 

Binigyang-diin din ni Bachmann ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga coach na magtuturo ng mga diskarte at kaalaman sa sports na hindi karaniwang ginagawa ng mga batang atleta sa bansa.

Bukod pa rito, binanggit din ni Bachmann na ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ay plano nang isama ang gymnastics sa kanilang kalendaryo ng kanilang events. 

“Nabalitaan ko na ngayon ay pinaplano ng UAAP na maglagay ng gymnastics sa UAAP. So, I am just asking that it shouldn't take to win a medal to actually introduce another sport for the UAAP,” dagdag ni  Bachmann.

Plano rin sanang palakihin ng PSC ang kasikatan ng isang partikular na isport sa mga lokal na pamahalaan subalit hindi ito magiging epektibo kung walang mga pasilidad na ibibigay para sa mga organisasyong pang-sports. 

"Paano mapapalago ng PSC at NSA ang kasikatan ng ating sports kung saan wala talagang events, walang facilities? So, collaboration na naman," “Hindi ito kayang gawin ng PSC nang mag-isa. Bilang isang bansang Pilipinas, dapat talaga tayong magtulungan at suportahan ang sports. Kailangan ng bansa para magkaroon ng mga kampeon,” dagdag ni Bachmann.