PSC dinagdagan ng 5k ang allowance ng National Athletes at Coaches

Nakakita ng bagong pag-asa ang mga atletang Pilipino at ito din ang nakadagdag ng motibasyon at inspirasyon sa kanila kasama na ang mga coach sa bansa.
Ito ay matapos na ihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman, John Patrick “Pato” Gregorio, na madaragdagan na ng 5,000 pesos ang monthly allowance ng mga atleta at mga coaches simula sa agosto.
“Today, I met with the PSC board. Pero sa akin po, let’s give it to them. I’m sure you’re happy with this proposal, Php 5,000 across the board, starting August, [additional] P5,000 per athlete, P5,000 per coach. We realize that so many athletes still get P10,000 per month. Mas mababa po ‘yun sa minimum wage. How can our athletes survive kung mas mababa ‘yung P10,000,” ani Gregorio.
Kahapon, July 8, nagsagawa ang Philippine Sports Commission ng General Assembly sa Ninoy Aquino Stadium kung saan ibinahagi ni PSC Chairman Gregorio ang revitalized roadmap nito sa ahensya kasama na ang mga programang pang sports.
Prayoridad din ng PSC ang procurement ng mga kagamitan at renovation ng mga sports facilities sa bansa lalo na ng Rizal Memorial Sports Complex, PhilSports Arena, at PSC Baguio para sa kapakanan ng mga atletang Pilipino.
Sinabi pa ni Gregorio na maliit na halaga kung tutuusin ang sampung milyong piso naka-allocate na pondo para sa allowance ng mga atleta kumpara sa ibinibigay na karangalan ng mga atleta para sa bansa.
‘Yang sinet aside natin na budget na ‘yan, magre-reallocate tayo. But that is a very small amount sa kaligayahan, kumpiyansa, at motivation na ibibigay natin sa mga atleta,” dagdag pa Gregorio.
Ang nasabing inisyatibo ni Gregorio, ay batay na rin sa direktibang ibinigay sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyan ng full support ang mga national athletes at coaches na nauna na ring ipinangako ng Pangulo noong nakaraang taon.
Gusto rin ni Gregorio na pabilisin ang proseso sa pagpapalabas ng allowance ng mga atleta at coaches sa loob lang ng limang araw.
