Presidential Medal of Merit iginawad ni PBBM kay Carlos Yulo
Ginawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr si Carlos Yulo ng Presidential Medal of Merit sa heroes welcome na isinagawa sa Palasyo ng Malacañang para sa mga atletang sumabak sa Paris Olympics.
Ang Presidential Medal of Merit ay ibinibigay sa mga indibidwal na tao sa bansa na nakakagawa ng mga pagkilala sa mga international events sa larangan ng literature, sciences, arts, entertainment at maging sa larangan ng sports na itinuturing na national pride ng Pilipinas.
Nakatanggap din si Yulo ng karagdagang P20 million mula kay Pangulong Marcos, bukod pa sa cash incentives na ipinagkaloob ng Pamahalaan sa pamamagitan ng Republic Act 10699 o ang National Athletes Coaches and Trainers Benefit and Incentives Act.
Sinabi ng Pangulo na tinapatan lang aniya niya ang cash incentives na isinasaad ng batas.
Nakatanggap din ng tig-isang milyong pisong cash incentives at Presidential citation ang bawat atletang Pinoy na hindi nakakuha ng medalya.
Nabigyan din ng dagdag na P2-milyon ang mga bronze medalist na Pinay boxers na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas kung saan tinapatan din ng Pangulo ang nakasaad sa batas na P2-M.
Bukod sa mga atletang Pinoy, binigyan din ng tig-P500,000 cash incentives ang kani-kanilang mga trainer at coaches sa kanilang pagbisita sa Malacanang Martes ng gabi.