Pons target naman ang beach volleyball pagkatapos ng AVC stint

Pagkatapos ng halos dalawang taon sa Creamline, magpapaalam muna pansamantala si Bernadette Pons sa koponan at sisimulan naman nito ang kanyang panibagong yugto sa larangan ng beach volleyball kasama si Sisi Rondina para sumabak sa nalalapit na 33rd SEA Games sa Disyembre.
Tatapusin din lang muna ni Pons ang kanilang laban sa AVC Women’s Champions League at pagkatapos nito ay pagtutuunan naman nito ng pansin ang pagsasanay at paghahanda para sa pagsabak sa beach volleyball para sa SEA games.
Ayon kay Pons, malaki ang kanyang pasasalamat dahil kabilang siya sa mga manlalaro na nagrepresenta sa bansa para lumaban sa AVC Women’s Champions League kung kaya naman nilulubos na niya ito hanggang matapos ang kumpetisyon.
“Sobrang grateful ako kasi ito ‘yung first time ko na mag-represent ng country sa indoor [volleyball]. Kasama ko pa ‘yung Creamline team so sobrang ine-enjoy ko lang talaga ‘yung opportunity and ‘yung moment na maglaro ngayon,” ani Pons.
Kung mayroon mang bagay na natutunan si Pons pagkatapos masungkit ng Creamline ang apat na PVL titles, yun ay ang pagiging fearless player na walang uurungan sa anumang uri ng laban malaki man o maliit ang makakalaban.
“International [tournament] ‘to, international din ‘yung mga kalaban, so siguro kahit sino talaga ‘yung kaharap mo, malaki man sila, maliit man sila, same lang namin kami ng game — volleyball. Pare-parehas kami nagte-training kaya dapat tapang lang palagi, kahit sino ‘yung kaharap mo,” dagdag pa ni Pons.
