Pinoy swimmer Sahagun nasungkit ang unang ginto sa 2024 BIMP-EAGA

Keanna Wren
PHOTO COURTESY: PSC MEDIA POOL

Nasungkit ng Filipino swimmer na si Phillip Adrian Sahagun ang kauna-unahang gintong medalya sa 2024 Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, Philippines – East Asean Growth Area (BIMP-EAGA) Friendship Games noong Lunes, Disyembre 2, sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Puerto Princesa, Palawan.

Nakapagrehistro si Sahagun ng 2 minuto at 13.52 na segundo matapos niyang malagpasan ang kanyang mga kalaban sa boys’ 200-meter individual medley (IM). Nakapagtapos naman sa pangalawang pwesto si Hidayatullah Aril ng Indonesia na mayroong 2:13:83 na oras.

Si Rodolfo Apilado III, na isa ring Filipino swimmer, ang kumumpleto sa podium ng unang event sa buong kumpetisyon. Siya ay nakapagtala ng 2:20.82 na oras para makuha ang bronze medal. 

“I didn’t expect to win, kasi two weeks ago kakagaling ko lang ng UAAP and I didn’t have [enough] time to prepare for this kasi gusto ko rin po makapag-hinga. One week po ako walang training at all,” kwento ni Sahagun na isang third-year BS Entrepreneurship student sa De La Salle University.

“Pero ang mindset ko lang is swim for the Philippines,” dagdag pa niya. “Nung last lap, medyo nakaramdam po ako ng sakit ng katawan ko pero nakita ko po ‘yong kalaban ko na humahabol kaya i-push ko na.  Andoon na po ako sa una kaya sabi ko ‘di ko na po ibibigay ‘tong gold.”

Sa women’s category, gumawa rin ng impresyon si Lora Micah Amoguis matapos manalo ng ginto sa kanyang pet event, ang girls' 200-meter IM, na may oras na 2 minuto at 30.73 segundo.

“I’m very glad na ito ang first gold ko, ‘tong pet event ko, and I dedicated this to the country,” saad ni Amoguis na isang BS Life Sciences freshman mula sa Ateneo.

“First time ko talaga maka-experience ng ganito (injury scare). This is for my coaches, parents, and my family po,” dagdag pa niya patungkol sa kanyang iniindang shoulder fatigue.

Ang iba pang Filipino swimmers na nanguna sa kani-kanilang kategorya ay sina Maglia Jaye Dignadice (girls’ 50m butterfly), John Michael Catamco (boys’ 50m butterfly), at June Pearl Dagano (girls’ 100m freestyle).