PH soft tennis talo sa women’s singles, pasok sa mixed doubles

Karen Ann Mantukay
PHOTO COURTESY: SOFT TENNIS PILIPINAS

Bigong makapasok ang Pinoy netters na sina Bambi Zoleta at Princess Catindig sa semifinals ng women’s singles ng 17th World Soft Tennis Championships na ginanap sa Anseong, Korea noong Huwebes, Setyembre 6.

Hindi napagtagumpayan ni Zoleta na maipanalo ang laro kontra kay Chiang Min-Yu ng Chinese Taipei, 2-4, habang bigo ring naka-abanse sa medal round si Catindig dahil sa dominadong laro na ipinamalas ni Fu Xiao Chen ng China, 1-4.

Sa kabila ng pag-exit ng Pilipinas sa women’s singles, patuloy pa rin ang medal bid ng national team para sa pagkamit ng medalya sa World Championship matapos magpakita nina Zoleta at Patrick Mendoza ng galing sa mixed doubles Round of 64 kontra Slovakia, 4-0.

Habang ang nakatatandang kapatid naman ni Bambi na si Bien Zoleta-Mañalac kasama ang partner niya sa mixed doubles na si Dheo Talatayod ay aabanse sa Round of 16 matapos talunin ang Cambodia, 4-1. 

Matatandaang huling nakapasok ang Philippine Soft Tennis sa medal round ay noong 2025 World Championships na ginanap sa New Delhi, India kung saan nasungkit ni Zoleta-Mañalac ang bronze medal para sa women’s singles.