PH chess team, target magtapos sa Top 20 ng Hungary tournament

Keanna Wren
PHOTO COURTESY: PHILSTAR

Layuning makapagtapos ng Pilipinas sa Top 20 o sa mas mataas pang ranggo sa 45th FIDE Chess Olympiad na magaganap sa BOK Sports Hall sa Budapest, Hungary.

Maagang maipapamalas ni Daniel Quizon, sa kanyang kauna-unahang Olympiad, ang kanyang husay at talento sa pamamagitan ng pagkumpetensya sa top board sa first two rounds ng laro. 

Sa board one, makakakuha ng pagkakataon si Quizon na makapagtala ng sapat na rating points upang makamit ang titulong Grandmaster. Kasalukuyan siyang mayroong 2490 ratings at sampung puntos na lamang ang kailangan niyang makamit upang maabot ang 2500 ratings points na magiging daan para mapasakanya ang inaasam niyang titulo.

“Pangarap ko po talagang mag-GM,” saad ni Quizon. 

Si IM Paulo Bersamina ang nakatoka sa second board samantalang sina GM John Paul Gomez at IM Jan Emmanuel Garcia ang nasa third at fourth boards, respectively.

Pangungunahan naman ni GM Janelle Mae Frayna ang women’s team na kinabibilangan nina WIMs Jan Jodilyn Fronda at Bernadette Galas, at nina Woman FIDE Masters Shanie Mae Mendoza at Ruelle Canino.