Pedro Taduran, dedepensahan ang kaniyang titulong IBF vs. Ginjiro Shigeoka

Nakatakdang idepensa ni Pedro Taduran ang kanyang hawak na IBF mini flyweight crown laban kay Japanese challenger Ginjiro Shigeoka sa kanilang rematch sa Mayo 24 sa Osaka, Japan.
Matatandaang una nang tinalo ni Taduran ang Japanese fighter via ninth-round TKO win noong Hulyo ng nakaraang taon.
Sa darating nilang rematch sa Sabado, inaasahan ni Taduran na hindi makikipagsabayan ng upakan si Shigeoka kundi gagamitin ang kaniyang home advantage kung saan may diskarte umanong gagamitin ang hapon para makakuha ng puntos mula sa mga hurado.
Sinabi naman ni Taduran na susubukan nito ang lahat para ma-knockout ang kaniyang kalaban sa ika-anim na round.
“Ang inisip namin kasi lugar nila kaya susubukan kong makuha sa one to six rounds na gagawin ang lahat para lang ma-knockout siya.”ani Taduran.
Samantala, ang pagiging Pinoy undisputed mini flyweight champion ang pangarap sa ngayon ni Pedro Taduran sa kanyang professional boxing career, kaya gagawin nito ang lahat para manalo at madepensahan ang kaniyang hawak na IBF crown.
Gayunman, mas pinaglaanan ng sapat na panahon ni Taduran ang pagpapalakas sa kanyang kondisyon na naging malaking daan upang mailabas ang lakas at puwersa na ibinato kontra Shigeoka.
“May mga binago kami para ‘di mabasa iyung galawan namin para mas ma-pressure siya. Basta gagawin ko lahat para maipanalo ko iyung laban,” paliwanag pa ni Taduran.
Si Taduran ay may boxing record ngayon na 17 wins kung saan 13 sa mga ito ay knockout, 4 losses at 1 draw, habang si Shigeoka naman ay mayroong 11 wins at 9 sa mga ito ay knockout 1 loss, at 1 draw.
